Ang Mga Propesiya at Payo ni Lehi sa Kanyang Pamilya

Ang Layunin ng Buhay

2 Nephi 2:14

Nagsasalita hindi lang kay Jacob, kundi ngayon sa lahat ng kanyang mga anak na lalaki, si Lehi ay nagturo na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay, mga bagay na kumikilos at pinakikilos.

At ngayon, mga anak ko, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para sa inyong kapakinabangan at kaalaman; sapagkat may Diyos, at nilikha niya ang lahat ng bagay, kapwa ang kalangitan at ang lupa, at lahat ng bagay na naroroon, kapwa ang mga bagay na kumikilos at mga bagay na pinakikilos.

2 Nephi 2:15–16

Inatasan ng Diyos ang tao upang kumilos para sa kanyang sarili, at sa gayon lumikha ng mga nararapat na kasalungat.

At upang maisagawa ang kanyang mga walang hanggang layunin sa kahihinatnan ng tao, matapos na kanyang malikha ang ating mga unang magulang, at ang mga hayop sa parang at ang mga ibon sa himpapawid, at sa lalong maliwanag, lahat ng bagay na nilikha, ay talagang kinakailangan na may isang pagsalungat; maging ang ipinagbabawal na bungang-kahoy na kasalungat ng punungkahoy ng buhay; ang isa ay matamis at ang isa ay mapait. Anupa’t ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa tao na siya ay kumilos para sa kanyang sarili. Samakatwid, ang tao ay hindi makakikilos para sa kanyang sarili maliban kung siya ay nahikayat ng isa o ng iba.

2 Nephi 2:17

Ang nahulog na anghel ay naghahangad na gawin ang ibang kaaba-abang katulad ng kanyang sarili.

At ako, si Lehi, ayon sa mga bagay na aking nabasa, ay talagang kailangang ipalagay na ang isang anghel ng Diyos, ayon sa yaong nakasulat, ay nahulog mula sa langit; anupa’t siya ay naging diyablo, na hinahangad yaong masama sa harapan ng Diyos. At sapagkat siya ay nahulog mula sa langit, at naging kaaba-aba magpakailanman, kanyang hinahangad din ang kalungkutan ng buong sangkatauhan.

2 Nephi 2:18–20

Tinukso ng diyablo si Eba na kainin ang ipinagbabawal na bunga; si Adan at si Eba ay pinalayas sa halamanan ng Eden at isinilang ang sangkatauhan.

Anupa’t sinabi niya kay Eva, oo, maging yaong matandang ahas na siyang diyablo, na siyang ama ng lahat ng kasinungalingan, kaya nga, sinabi niya:

Kumain ka ng ipinagbabawal na bungang-kahoy, at hindi ka mamamatay,
bagkus ikaw ay magiging katulad ng Diyos, na nakakikilala sa mabuti at masama.

At pagkatapos na sina Adan at Eva ay kumain ng ipinagbabawal na bungang-kahoy sila ay itinaboy palabas ng halamanan ng Eden, upang magbungkal ng lupa. At sila ay nagkaroon ng mga anak; oo, maging ang mag-anak ng buong mundo.

2 Nephi 2:21

Ang pinahabang panahon ng pagsubok ay ipinagkaloob sa sangkatauhan upang magsisi.

At ang mga araw ng mga anak ng tao ay pinahaba, alinsunod sa kalooban ng Diyos, upang sila ay makapagsisi habang nasa laman; kaya nga, ang kanilang kalagayan ay naging kalagayan ng pagsubok, at ang kanilang panahon ay pinahaba, alinsunod sa mga kautusan ng Panginoong Diyos na ibinigay sa mga anak ng tao.

2 Nephi 2:21–22

Ang buong sangkatauhan, na nahulog, ay kinakailangang magsisi; kung hindi dahil sa pagkahulog, ang lahat ay mapapasakanilang orihinal na kalagayan magpakailanman.

Sapagkat ibinigay niya ang kautusan na ang lahat ng tao ay kinakailangang magsisi; sapagkat ipinakita niya sa lahat ng tao na sila ay naligaw, dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. At ngayon, masdan, kung si Adan ay hindi lumabag, hindi sana siya nahulog, manapa siya ay nanatili sa halamanan ng Eden. At lahat ng bagay na nilikha ay tiyak sanang nanatili sa dating kalagayan kung saan sila naroroon matapos na sila ay likhain; at sila sana ay tiyak na nanatili magpakailanman, at walang katapusan.

2 Nephi 2:23–25

Bago sa nahulog na kalagayan, ang tao ay hindi nagkakaanak, at nasa isang kalagayan ng kawalang-malay; ang pagkahulog ng tao ay dinisenyo upang papangyarihing ang sangkatauhan ay makaranas ng kagalakan.

At sila’y hindi sana nagkaroon ng mga anak; anupa’t sila sana ay nanatili sa kalagayan ng kawalang-malay, walang kaligayahan, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kalungkutan; hindi gagawa ng mabuti, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kasalanan. Ngunit masdan, ang lahat ng bagay ay ginawa sa karunungan niya na nakaaalam ng lahat ng bagay.

Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon;
at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.

2 Nephi 2:26

Ang Mesiyas ay darating upang tubusin ang sangkatauhan mula sa pagkahulog, at bigyan sila ng kalayaang makapamili ng sarili nilang landasin, subalit mananagot sa Diyos sa huling araw.

At ang Mesiyas ay paparito sa kaganapan ng panahon, upang kanyang matubos ang mga anak ng tao mula sa pagkahulog. At dahil sa sila ay tinubos mula sa pagkahulog sila ay naging malaya magpakailanman, nakikilala ang mabuti sa masama; kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos, maliban sa kaparusahan ng batas sa dakila at huling araw, alinsunod sa mga kautusang ibinigay ng Diyos. Anupa’t ang tao ay malaya ayon sa laman; at lahat ng bagay ay ipinagkaloob sa kanila na kapaki-pakinabang sa tao.

2 Nephi 2:27

Ang sangkatauhan ay maaaring, sa pamamagitan ng Tagapamagitan, ay makapamili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, o pumili ng pagkabihag at kamatayan sa pamamagitan ng pagsunod sa diyablo.

At sila ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo; sapagkat hinahangad niya na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili.

2 Nephi 2:28–29

Umasa sa Dakilang Tagapamagitan at maging matapat sa kanya, pinipili ang buhay na walang hanggan sa halip na walang hanggang kamatayan.

At ngayon, mga anak ko, nais ko na kayo ay umasa sa dakilang Tagapamagitan, at makinig sa kanyang mga dakilang kautusan; at maging matapat sa kanyang mga salita, at piliin ang buhay na walang hanggan, alinsunod sa kalooban ng kanyang Banal na Espiritu; At huwag piliin ang walang hanggang kamatayan, alinsunod sa kagustuhan ng laman at ng kasamaan na naroroon, na nagbibigay sa espiritu ng diyablo ng kapangyarihang bumihag, upang madala kayo sa impiyerno, at siya ang mamamahala sa inyo sa kanyang sariling kaharian.

2 Nephi 2:30

Sinasabi ko ito sa aking mga huling araw, walang ibang hinahangad kundi ang walang hanggang kapakanan ng inyong mga kaluluwa.

Sinabi ko ang ilang salitang ito sa inyong lahat, mga anak ko, sa huling araw ng aking pagsubok; at pinili ko ang mabuting bahagi, ayon sa mga salita ng propeta. At wala akong ibang layunin maliban sa walang hanggang kapakanan ng inyong mga kaluluwa. Amen.