Ang Mensahe ni Abinadi kay Noah at sa kanyang mga Saserdote

Ang Batas ni Moises

Mosiah 13:11

Hinatulan ni Abinadi ang hukuman ni Noa, at binasa ang nalalabi sa mga kautusan ng Diyos sa kanila.

At ngayon babasahin ko sa inyo ang nalalabi sa mga kautusan ng Diyos, sapagkat nahihiwatigan kong hindi ito nakasulat sa inyong mga puso; nahihiwatigan kong nag-aral kayo at nagturo ng kasamaan sa halos buong buhay ninyo.

Mosiah 13:12-24

Alalahanin ang sampung utos.

At ngayon, tandaan ninyong sinabi ko sa inyo:

Mosiah 13:25–26

Itinuro niyo ba ang mga kautusan sa mga tao? Kung ginawa niyo, hindi na sana ako ipinadala pa ng Panginoon.

At ito ay nangyari na, nang matapos si Abinadi sa mga salitang ito ay sinabi niya sa kanila:

Tinuruan ba ninyo ang mga taong ito na dapat nilang gawin ang lahat ng bagay na ito upang masunod ang mga kautusang ito? Sinasabi ko sa inyo:

Hindi; sapagkat kung ginawa ninyo ito, hindi na sana pinapangyari ng Panginoon na isugo ako at magpropesiya ng kapahamakan hinggil sa mga taong ito.

Mosiah 13:27

Ang batas ni Moises ay kinakailangang sundin sa ngayon, subalit darating ang panahon na ang mga ito ay hindi na kakailanganin pa.

At ngayon sinabi ninyo na ang kaligtasan ay darating sa pamamagitan ng mga batas ni Moises. Sinasabi ko sa inyo na kinakailangang sundin ninyo ang mga batas ni Moises sa ngayon; subalit sinasabi ko sa inyo, na darating ang panahon na hindi na kakailanganing sundin pa ang mga batas ni Moises.

Mosiah 13:28

Ang kaligtasan ay hindi dumarating sa pamamagitan ng batas lamang: ang pagbabayad-sala ay mahalaga.

At bukod doon, sinasabi ko sa inyo, na ang kaligtasan ay hindi darating sa pamamagitan ng batas lamang; at kung hindi dahil sa pagbabayad-sala, na gagawin na rin ng Diyos para sa mga kasalanan at kasamaan ng kanyang mga tao, ay tiyak na di maiiwasan silang masawi, sa kabila ng mga batas ni Moises.

Mosiah 13:29

Ang batas ay ibinigay dahil sa katigasan ng mga tao.

At ngayon sinasabi ko sa inyo na kinakailangang magkaroon ng batas na maibibigay sa mga anak ni Israel, oo, maging isang napakahigpit na batas; sapagkat sila ay mga taong matitigas ang leeg, mabilis sa paggawa ng kasamaan, at mabagal sa pag-alaala sa Panginoon nilang Diyos;

Mosiah 13:30–31

Ang batas ay naglalaman ng mga paghahalintulad sa mga bagay na darating.

Kaya nga, may batas na ibinigay sa kanila, oo, isang batas ng mga gawain at ng mga ordenansa, isang batas na kanilang mahigpit na susundin sa araw-araw, upang mapanatili sila sa pag-alaala sa Diyos at sa kanilang tungkulin sa kanya. Subalit masdan, sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng bagay na ito ay mga kahalintulad ng mga bagay na darating.

Mosiah 13:32

Ang batas ay hindi nauunawaan; hindi nauunawaan ng mga tao na ang kaligtasan ay dumarating lamang sa pamamagitan ng pagtubos ng Diyos.

At ngayon, nauunawaan ba nila ang batas? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, hindi nila naunawaan lahat ang batas; at ito ay dahil sa katigasan ng kanilang mga puso; sapagkat hindi nila naunawaan na walang sinumang tao ang maliligtas maliban kung ito ay sa pamamagitan ng pagtubos ng Diyos.