At ngayon, kung si Cristo ay hindi pumarito sa daigdig, tumutukoy sa mga bagay na darating na para bang dumating na ang mga ito, ay hindi sana magkakaroon ng pagtubos.
At kung si Cristo ay hindi bumangon mula sa patay, o nagkalag ng mga gapos ng kamatayan upang hindi magtagumpay ang libingan, at hindi magkaroon ng tibo ang kamatayan, ay hindi sana magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli. Subalit may pagkabuhay na mag-uli, samakatwid, hindi nagtagumpay ang libingan, at ang tibo ng kamatayan ay nalulon kay Cristo.
Siya ang ilaw at ang buhay ng daigdig; oo, isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim; oo, at isang buhay rin na walang hanggan, na hindi na maaaring magkaroon pa ng kamatayan.
Maging ang may kamatayang ito ay mabibihisan ng kawalang-kamatayan, at ang may kabulukang ito ay mabibihisan ng walang kabulukan, at dadalhin upang tumayo sa harapan ng hukuman ng Diyos, upang hatulan niya alinsunod sa kanilang mga gawa maging mabuti man yaon o maging yaon man ay masama— Kung sila ay mabubuti, sa pagkabuhay na mag-uli ng buhay na walang hanggan at kaligayahan; at kung sila ay masasama, sa pagkabuhay na mag-uli ng walang hanggang kapahamakan, na ibibigay sa diyablo, na siyang sumakop sa kanila, na kung alin ay kapahamakan—
Na humayo alinsunod sa kanilang sariling mga makamundong kagustuhan at hangarin; na hindi kailanman nanawagan sa Panginoon habang nakaunat ang mga bisig ng awa sa kanila; sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila, at ayaw nila; sila na binalaan tungkol sa kanilang kasamaan at gayon man ay ayaw nilang tumalikod mula sa mga yaon; at inutusan silang magsisi at gayon man, ayaw nilang magsisi.
At ngayon, hindi ba’t kayo ay dapat na manginig at magsisi ng inyong mga kasalanan, at pakatandaan na tangi at sa pamamagitan lamang ni Cristo kayo ay maaaring maligtas? Samakatwid, kung itinuturo ninyo ang mga batas ni Moises, ituro rin na ito ay anino ng mga yaong bagay na darating— Ituro sa kanila na darating ang pagtubos sa pamamagitan ni Cristo, ang Panginoon, na siya ring Amang Walang Hanggan. Amen.