At ngayon sinasabi ko sa inyo na darating ang panahon na ang kaligtasan ng Panginoon ay ipahahayag sa bawat bansa, lahi, wika, at tao.
Oo, Panginoon, ang inyong mga tagabantay ay magtataas ng kanilang mga tinig; sa pamamagitan ng magkakasamang tinig sila ay aawit, sapagkat kanilang makikita nang mata sa mata kung kailan ibabalik na muli ng Panginoon ang Sion.
Magpakagalak, magsiawit nang magkakasama, kayong mga nawasak na dako ng Jerusalem; sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang mga tao, tinubos niya ang Jerusalem.
Ipinakita ng Panginoon ang kanyang banal na bisig sa paningin ng lahat ng bansa; at lahat ng dulo ng mundo ay makikita ang kaligtasan ng ating Diyos
At ngayon, ito ay nangyari na, na matapos sabihin ni Abinadi ang mga salitang ito ay iniunat niya ang kanyang mga kamay at sinabi:
Darating ang panahon na makikita ng lahat ang kaligtasan ng Panginoon; na ang bawat bansa, lahi, wika, at tao ay makikita nang mata sa mata at kikilalanin sa harapan ng Diyos na ang kanyang mga paghahatol ay makatarungan.
At sa panahong yaon ang masasama ay itatakwil, at magkakaroon sila ng dahilan upang humagulgol, at tumangis, at managhoy, at pagngalitin ang kanilang mga ngipin; at ito ay dahil sa ayaw nilang pakinggan ang tinig ng Panginoon; anupa’t hindi sila tutubusin ng Panginoon. Sapagkat sila ay makamundo at mala-diyablo, at may kapangyarihan ang diyablo sa kanila; oo, maging ang yaong matandang ahas na luminlang sa ating mga unang magulang, na naging dahilan ng kanilang pagkahulog; na naging dahilan upang ang buong sangkatauhan ay maging makamundo, makalaman, mala-diyablo, nalalaman ang masama mula sa mabuti, ipinasasakop ang kanilang sarili sa diyablo.
Sa gayon naligaw ang buong sangkatauhan; at masdan, dapat na sana silang nangaligaw nang walang katapusan kung hindi lamang tinubos ng Diyos ang kanyang mga tao mula sa kanilang ligaw at nahulog na kalagayan. Subalit tandaan, siya na nagpupumilit sa kanyang sariling likas na kamunduhan, at nagpapatuloy sa mga landas ng kasalanan at paghihimagsik laban sa Diyos, ay nananatili sa kanyang pagkahulog na kalagayan at ang diyablo ay may lubos na kapangyarihan sa kanya. Kaya nga, para bang walang ginawang pagtubos sa kanya, na naging kaaway ng Diyos; at gayon din ang diyablo ay kaaway ng Diyos.