Gayon pa man, matapos ang maraming araw na paglalakbay sa ilang, itinayo namin ang aming mga tolda sa lugar kung saan napatay ang aming mga kapatid, na malapit sa lupain ng aming mga ama. At ito ay nangyari na, na ako ay nagtungong muli kasama ang apat sa aking mga tauhan sa lunsod, patungo sa hari, upang malaman ko ang kalooban ng hari, at upang malaman ko kung maaari akong pumasok kasama ang aking mga tao at angkinin ang lupain nang mapayapa.
At ako ay humarap sa hari, at siya ay nakipagtipan sa akin na maaari kong angkinin ang lupain ng Lehi-Nephi, at ang lupain ng Silom. At iniutos din niyang umalis sa lupain ang kanyang mga tao, at ako at ang aking mga tao ay pumasok sa lupain upang angkinin ito.
Ngayon, ito ang katusuhan at pandaraya ni haring Laman, ang dalhin ang aking mga tao sa pagkaalipin, kung kaya’t isinuko niya ang lupain upang maangkin namin ito.