At ngayon, anak ko, mayroon akong sasabihin sa iyo kahit paano hinggil sa pagparito ni Cristo. Masdan, sinasabi ko sa iyo, na siya ang yaong tiyak na paparito upang alisin ang mga kasalanan ng sanlibutan; oo, siya ay paparito upang ipahayag ang masayang balita ng kaligtasan sa kanyang mga tao.
At ngayon, anak ko, ito ang ministeryo kung saan ka tinawag, ang ipahayag ang masasayang balitang ito sa mga taong ito, upang ihanda ang kanilang mga isipan; o sa lalong maliwanag, upang ang kaligtasan ay mapasakanila, upang kanilang maihanda ang mga isipan ng kanilang mga anak na pakinggan ang salita sa panahon ng kanyang pagparito.
At ngayon pagagaanin ko kahit paano ang iyong isipan sa paksang ito. Masdan, ikaw ay nagtataka kung bakit ang mga bagay na ito ay kailangang ipaalam nang napakaaga sa simula pa man. Masdan, sinasabi ko sa iyo, hindi ba’t ang isang kaluluwa sa panahong ito ay kasinghalaga sa Diyos kagaya rin ng isang kaluluwa sa panahon ng kanyang pagparito?
Hindi ba’t kasingkailangan din na ang plano ng pagtubos ay maipaalam sa mga taong ito gayon din sa kanilang mga anak? Hindi ba’t kasindali rin sa panahong ito para sa Panginoon na isugo ang kanyang anghel upang ipahayag ang masayang balitang ito sa atin gayon din sa ating mga anak, o kagaya rin sa panahon ng kanyang pagparito?