At ngayon mga minamahal kong kapatid, sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang kayo ay magising ko sa pagpapahalaga ng inyong tungkulin sa Diyos, upang kayo ay makalakad nang walang kasalanan sa kanyang harapan, upang kayo ay lumakad alinsunod sa banal na orden ng Diyos, kung saan kayo ay tinanggap.
At ngayon nais ko na kayo ay maging mapagpakumbaba, at maging masunurin at maamo; madaling pakiusapan; puspos ng tiyaga at mahabang pagtitiis; mahinahon sa lahat ng bagay; masikap na sumusunod sa mga kautusan ng Diyos sa lahat ng panahon; humihingi ng ano mang bagay na inyong kinakailangan, maging espirituwal at temporal; parating gumaganti ng pasasalamat sa Diyos para sa ano mang bagay na inyong tinatanggap.
At tiyakin na kayo ay may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao, at sa gayon kayo ay parating mananagana sa mabubuting gawa.
At nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon, at panatilihing walang bahid-dungis ang inyong mga kasuotan, upang sa dakong huli kayo ay madala na maupong kasama sina Abraham, Isaac, at Jacob, at ng mga banal na propeta sa simula pa lamang ng daigdig, kung saan ang inyong mga kasuotan ay walang bahid-dungis maging tulad ng kanilang mga kasuotan na walang bahid-dungis, sa kaharian ng langit upang hindi na lumisan pa.
At ngayon mga minamahal kong kapatid, sinabi ko ang mga salitang ito sa inyo alinsunod sa Espiritung nagpapatotoo sa akin; at ang aking kaluluwa ay labis na nagagalak, dahil sa labis na pagsusumigasig at pakikinig na inyong ibinigay sa aking salita.
At ngayon, nawa’y mapasainyo ang kapayapaan ng Diyos, at sa inyong mga tahanan at lupain, at sa inyong mga kawan ng tupa at baka, at sa lahat ng inyong pag-aari, sa inyong kababaihan at inyong mga anak, alinsunod sa inyong pananampalataya at mabubuting gawa, simula ngayon at magpakailanman. At sa gayon ako nangusap. Amen.