Ang Mga Salita ni Alma sa Kanyang Anak na si Helaman

Pagpapasa ng Mga Talaan

Alma 37:1–2

Ipinasa ni Alma ang tungkulin ng pangangalaga sa mga talaan kay Helaman.

At ngayon, anak kong Helaman, inuutusan kitang kunin mo ang mga talaang ipinagkatiwala sa akin; At inuutusan din kita na mag-ingat ng isang talaan ng mga taong ito, tulad ng ginawa ko, sa mga lamina ni Nephi, at panatilihing banal ang lahat ng bagay na ito na aking iningatan, maging tulad ng pag-iingat ko sa mga ito; sapagkat ang mga ito ay iniingatan para sa isang matalinong layunin.

Alma 37:3–5

Muling binanggit ni Alma ang kahalagahan ng laminang tanso.

At ang mga laminang tansong ito, na naglalaman ng mga inukit na ito, na naglalaman ng mga talaan ng mga banal na kasulatan sa mga yaon, na naglalaman ng talaangkanan ng ating mga ninuno, maging mula pa sa simula—

Masdan, iprinopesiya ng ating mga ama, na ang mga ito ay iingatan at ipapasa-pasa sa bawat sali’t salinlahi, at iingatan at pangangalagaan ng kamay ng Panginoon hanggang sa ang mga ito ay maipahayag sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao, upang malaman nila ang mga hiwagang nilalaman niyon.

At ngayon masdan, kung iingatan ang mga ito ay kinakailangang mapanatili nito ang kanilang kinang; oo, at mapananatili ng mga ito ang kanilang kinang; oo, at gayon din ang lahat ng laminang naglalaman ng yaong banal na kasulatan.

Alma 37:6–7

Sa mga payak at maliliit na bagay, naisasakatuparan ng Diyos ang mga dakilang layunin.

Ngayon, maaaring akalain mo na ito ay kahangalan sa akin; subalit masdan sinasabi ko sa iyo, na sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay; at sa maliliit na pamamaraan sa maraming pagkakataon ay lumilito sa marurunong.

At ang Panginoong Diyos ay nagsasagawa ng mga pamamaraan upang isakatuparan ang kanyang dakila at mga walang hanggang layunin; at sa pamamagitan ng napakaliit na pamamaraan ay nililito ng Panginoon ang marurunong at isinasakatuparan ang kaligtasan ng maraming tao.

Alma 37:8–10

Ang mga talaan ay nagsisilbing mahalagang paalala sa mga tao, at may katungkulang pangalagaan ang mga nakaraang kaalaman hinggil kay Cristo.

At ngayon, sa simula pa ay karunungan na ito sa Diyos na ang mga bagay na ito ay pangalagaan; sapagkat masdan, pinalawak ng mga ito ang kaalaman ng mga taong ito, oo, at napaniwala ang marami sa kamalian ng kanilang mga gawain, at sila’y dinala sa kaalaman ng kanilang Diyos tungo sa kaligtasan ng kanilang mga kaluluwa.

Oo, sinasabi ko sa iyo, kung hindi dahil sa mga bagay na ito na nilalaman ng mga talaang ito, na nasa mga laminang ito, ay hindi sana napaniwala ni Ammon at ng kanyang mga kapatid ang napakaraming libu-libo sa mga Lamanita sa kamalian ng kaugalian ng kanilang mga ama; oo, ang mga talaang ito at ang mga salita nito ang nagdala sa kanila sa pagsisisi; ibig sabihin, sila ay dinala ng mga ito sa kaalaman ng Panginoon nilang Diyos, at upang magsaya kay Jesucristo na kanilang Manunubos.

At sino ang nakaaalam na hindi sila ang magiging daan sa pagdadala ng napakaraming libu-libo sa kanila, oo, at marami rin sa libu-libo nating mga kapatid na matitigas ang leeg, ang mga Nephita, na ngayon ay pinatitigas ang kanilang mga puso sa kasalanan at mga kasamaan, sa kaalaman ng kanilang Manunubos?

Alma 37:11–12

Hindi lubos na nauunawaan ni Alma ang kahalagahan ng mga talaan na kanyang pingangangalagaan, ngunit nalalaman na ang mga yaon ay mahalaga.

Ngayon, ang mga hiwagang ito ay hindi pa ganap na ipinaalam sa akin; kaya nga, ako ay magpipigil.

At makasasapat na kung sasabihin ko lamang na ang mga ito ay pinangangalagaan dahil sa isang matalinong layunin, kung aling layunin ay nalalaman ng Diyos; sapagkat siya ay nagpapayo sa karunungan sa lahat ng kanyang nilikha, at ang kanyang mga landas ay tuwid, at ang kanyang mga hakbangin ay isang walang hanggang pag-ikot.

Alma 37:13

Pinaalalahanan ni Alma si Helaman na ang pagunlad sa lupain ng pangako ay nakasalalay sa pag-sunod sa mga kautusan.

O pakatandaan, pakatandaan, anak kong Helaman, kung gaano kahigpit ang mga kautusan ng Diyos. At sinabi niya:

Kung susundin ninyo ang aking mga kautusan
kayo ay uunlad sa lupain—
subalit kung hindi ninyo susundin ang kanyang mga kautusan
kayo ay itatakwil mula sa kanyang harapan.

Alma 37:14–17

Ang hindi pagsunod sa kautusan ay magiging dahilan ng pagkawala ng karapatang mahawakan ang mga talaan.

At ngayon tandaan, anak ko, na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mga bagay na ito, na mga banal, na pinanatili niyang banal, at kanya ring iingatan at pangangalagaan para sa isang matalinong layunin sa kanya, upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan sa mga darating na salinlahi.

At ngayon masdan, sinasabi ko sa iyo sa pamamagitan ng diwa ng propesiya, na kung ikaw ay lalabag sa mga kautusan ng Diyos, masdan, ang mga banal na bagay na ito ay kukunin mula sa iyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at ipauubaya ka kay Satanas, upang salain ka niya na tulad ng ipa sa hangin.

Subalit kung susundin mo ang mga kautusan ng Diyos, at gawin sa mga banal na bagay na ito ang naaalinsunod sa iniutos sa iyo ng Panginoon, (sapagkat kinakailangan kang magsumamo sa Panginoon para sa lahat ng bagay ano man ang kinakailangan mong gawin sa mga ito) masdan, walang kapangyarihan sa lupa o impiyerno ang makakukuha sa mga ito mula sa iyo, sapagkat ang Diyos ay makapangyarihan tungo sa katuparan ng lahat ng kanyang salita.

Sapagkat tutuparin niya ang lahat ng kanyang pangako na gagawin niya sa iyo, sapagkat tinupad niya ang kanyang mga pangakong ginawa niya sa ating mga ama.

Alma 37:18–20

Ang mga talaan ay pangangalagaan at magsisilbing isang malaking pagkukunan upang magdala sa mga tao ng kaalaman sa Diyos.

Sapagkat siya ay nangako sa kanila na kanyang pangangalagaan ang mga bagay na ito para sa isang matalinong layunin sa kanya, upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan sa mga darating na salinlahi.

At ngayon masdan, isang layunin ang tinupad na niya, maging sa pagpapanumbalik sa maraming libu-libong Lamanita sa kaalaman ng katotohanan; at ipinakita niya ang kanyang kapangyarihan sa kanila, at kanya pa ring ipakikita ang kanyang kapangyarihan sa kanila hanggang sa mga darating na salinlahi; anupa’t ang mga ito ay pangangalagaan.

Kaya nga inuutos ko sa iyo, anak kong Helaman, na maging masigasig ka sa pagtupad sa lahat ng aking mga salita, at na maging masigasig ka sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos na tulad ng nasusulat.