Si Korihor ang Anti-Kristo

Pagdakip sa Gideon

Alma 30:21

Si Korihor ay tumuloy sa Gedeon, at nagsimulang mangaral din sa kanila; siya ay ginapos at dinala sa mga matataas na saserdote.

At siya ay nagtungo sa lupain ng Gedeon, at nagsimula ring mangaral sa kanila; at doon siya ay hindi nagtamo ng gaanong tagumpay, sapagkat siya ay dinakip at iginapos at dinala sa harapan ng mataas na saserdote, at gayon din sa punong hukom ng lupain.

Alma 30:22–23

Ang mataas na saserdoteng nagngangalang Gidonas, ay nagtanong kay Korihor kung bakit niya sinisira ang pananampalataya ng iba.

At ito ay nangyari na, na sinabi ng mataas na saserdote sa kanya:

Bakit lumilibot ka sa pagliligaw ng mga landas ng Panginoon?
Bakit nagtuturo ka sa mga taong ito na hindi magkakaroon ng isang Cristo,
upang gambalain ang mga pagsasaya nila?
Bakit nangungusap ka laban sa lahat ng propesiya ng mga banal na propeta?

Ngayon, ang pangalan ng mataas na saserdoteng ito ay Gidonas.

Alma 30:23

Ipinaliwanag ni Korihor na hindi siya nagtuturo ng mga hangal na tradisyon na nagpapasailalim sa mga tao sa mga pinuno ng relihiyon.

At sinabi ni Korihor sa kanya:

Sapagkat hindi ko itinuturo ang mga hangal na kaugalian ng inyong mga ama, at sapagkat hindi ko itinuturo sa mga taong ito na igapos ang kanilang sarili sa ilalim ng mga hangal na ordenansa at gawaing inilatag ng mga sinaunang saserdote, upang mangamkam ng kapangyarihan at karapatan sa kanila, upang panatilihin sila sa kawalang-malay, nang sa gayon hindi nila itaas ang kanilang mga ulo, kundi hilahing pababa alinsunod sa iyong mga salita.

Alma 30:24–27

Pinulaan ni Korihor ang simbahan sa pagtuturo sa mga tao na sila ay nahulog—nakikita niya ang mga ito bilang mga pamamaraan ng mga pinuno ng simbahan upang alipinin sila.

Sinasabi mong ang mga taong ito ay mga taong malaya. Masdan, sinasabi kong sila ay nasa pagkaalipin. Sinasabi mong yaong mga sinaunang propesiya ay totoo.

Masdan, sinasabi kong hindi mo nalalaman na ang mga ito ay totoo. Sinasabi mong ang mga taong ito ay may pagkakasala at mga nahulog na tao, dahil sa paglabag ng isang magulang. Masdan, sinasabi kong hindi nagkasala ang isang musmos dahil sa mga magulang niya. At sinasabi mo ring paparito si Cristo. Subalit masdan, sinasabi kong hindi mo nalalaman na magkakaroon ng isang Cristo. At sinasabi mo ring siya ay papatayin para sa mga kasalanan ng sanlibutan—

At sa gayon inaakay mong palayo ang mga taong ito alinsunod sa mga hangal na kaugalian ng iyong mga ama, at alinsunod sa iyong mga sariling naisin; at pinanatili mo sila, maging sa pagkaalipin, upang pagsawain ninyo ang inyong sarili sa mga gawa ng kanilang mga kamay, upang hindi sila magtangkang tumingin nang may katapangan, at upang hindi sila magtangkang magtamasa ng kanilang mga karapatan at pribilehiyo.

Alma 30:28

Ipinaliwanag ni Korihor kung paanong ang mga tao ay pinahihirapan ng mga saserdote, at pinagkaitan ng kanilang kalayaang mag-isip para sa kanilang mga sarili.

Oo, hindi sila nagtangkang gamitin yaong kanilang sariling pag-aari na baka magdamdam ang kanilang mga saserdote, na sinisingkawan sila alinsunod sa kanilang mga naisin, at hinikayat silang maniwala, sa pamamagitan ng kanilang mga kaugalian at kanilang mga panaginip at kanilang mga layaw at kanilang mga pangitain at kanilang mga mapagkunwaring hiwaga, nang sa gayon, kung hindi nila gagawin ang naaayon sa kanilang mga salita, ay magdamdam ang isang di kilalang nilikha, na sinasabi nilang Diyos—isang nilikhang kailanman ay hindi pa nakita, o nakilala, noon pa man, ni kailanman.

Alma 30:29

Si Gidonas ay hindi nagtangkang tumugon, at ibinigay si Korihor kay Alma sa Zarahemla.

Ngayon, nang makita ng mataas na saserdote at ng punong hukom ang katigasan ng kanyang puso, oo, nang makita nilang manlalait siya maging laban sa Diyos, sila ay tumangging gumawa ng ano mang pagtugon sa kanyang mga salita; kundi kanilang ipinagapos siya; at kanilang ibinigay siya sa mga kamay ng mga pinuno, at ipinadala siya sa lupain ng Zarahemla, upang siya ay madala sa harapan ni Alma, at sa punong hukom na siyang gobernador ng buong lupain.