At ang mga Lamanita ay hindi na muling sumalakay pa upang makidigma laban sa mga Nephita hanggang sa ikalabing-apat na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi. At sa gayon sa loob ng tatlong taon ang mga tao ni Nephi ay nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa buong lupain.
At sina Alma at Amulek ay humayong nangangaral ng pagsisisi sa mga tao sa kanilang mga templo, at kanilang mga santuwaryo, at gayon din sa kanilang mga sinagoga, na naitayo alinsunod sa pamamaraan ng mga Judio.
At kasindami ng nakikinig sa kanilang mga salita, sa kanila’y patuloy na ibinahagi nila ang salita ng Diyos, na walang sino mang taong itinatangi. At sa gayon humayo sina Alma at Amulek, at ang marami pa rin sa mga napili para sa gawain, upang ipangaral ang salita sa lahat ng dako ng buong lupain.
At ang pagtatatag ng simbahan ay naging pangkalahatan sa lahat ng dako ng lupain, sa lahat ng lugar sa palibot, sa lahat ng tao ng mga Nephita. At walang di pagkakapantay-pantay sa kanila; ibinuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu sa lahat ng dako ng lupain, upang ihanda ang mga isipan ng mga anak ng tao, o upang ihanda ang kanilang mga puso na tanggapin ang salitang ituturo sa kanila sa panahon ng kanyang pagparito—
Upang hindi sila maging mapagmatigas laban sa salita, nang hindi sila maging mapag-alinlangan, at matungo sa pagkalipol, kundi ang tanggapin nila ang salita nang may kagalakan, at tulad ng isang sanga ay maihugpong sa tunay na puno ng ubas, upang sila ay makapasok sa kapahingahan ng Panginoon nilang Diyos.
Ngayon, yaong mga saserdoteng nagsipaghayo sa mga tao ay nangaral laban sa lahat ng pagsisinungaling, at panlilinlang, at inggitan, at sigalutan, at masasamang hangarin, at panlalait, at pagnanakaw, panloloob, pandarambong, pagpaslang, pakikiapid, at lahat ng uri ng kahalayan, nangangaral na ang mga bagay na ito ay hindi dapat mangyari— Ipinangangaral ang mga bagay na nalalapit nang dumating; oo, ipinangangaral ang pagparito ng Anak ng Diyos, ang kanyang mga paghihirap at kamatayan, at gayon din ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay.
At marami sa mga tao ang nagtanong hinggil sa kung saang lugar ang Anak ng Diyos ay paroroon; at itinuro sa kanila na magpapakita siya sa kanila matapos ang kanyang pagkabuhay na mag-uli; at ang mga ito ay pinakinggan ng mga tao nang buong kagalakan.
At ngayon matapos na maitatag ang simbahan sa lahat ng dako ng buong lupain—natamo ang tagumpay laban sa diyablo, at ang salita ng Diyos ay naipangaral sa kadalisayan nito sa buong lupain, at ibinubuhos ng Panginoon ang kanyang mga pagpapala sa mga tao— sa gayon nagtapos ang ikalabing-apat na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.