Ang Sermon ni Alma para sa Simbahan sa Zarahemla

Mga Personal na Pag-uudyok ni Alma

Alma 5:43–44

Si Alma ay nagsalita ng malinaw ayon sa kanyang katawagan.

At ngayon, aking mga kapatid, nais kong pakinggan ninyo ako, sapagkat ako ay nagsasalita sa lakas ng aking kaluluwa; sapagkat masdan, ako ay nagsalita sa inyo nang malinaw upang kayo ay huwag magkamali, o nagsalita alinsunod sa kautusan ng Diyos.

Sapagkat ako ay tinawag na magsalita sa ganitong paraan, alinsunod sa banal na orden ng Diyos na na kay Cristo Jesus; oo, ako ay inutusang tumayo at magpatotoo sa mga taong ito ng mga bagay na sinabi ng ating mga ama hinggil sa mga bagay na darating.

Alma 5:45–46

Si Alma ay nakarating sa kanyang paniniwala sa pamamagitan ng pag-aayuno at panalangin.

At hindi lamang ito. Hindi ba ninyo inaakala na alam ko ang mga bagay na ito sa aking sarili? Masdan, ako ay nagpapatotoo sa inyo na alam ko na ang mga bagay na aking sinabi ay totoo. At paano ninyo inaakala na alam ko ang kanilang katiyakan?

Masdan, sinasabi ko sa inyo na ang mga yaon ay ipinaalam sa akin ng Banal na Espiritu ng Diyos. Masdan, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu; at ito ang diwa ng paghahayag na nasa akin.

Alma 5:47–48

Nalalaman ni Alma na ang mga turo ng kanyang ama ay totoo, at na si Jesukristo ay paparito.

At bukod dito, sinasabi ko sa inyo na ito ay sa gayon ipinahayag sa akin, na ang mga salitang sinabi ng ating mga ama ay totoo, maging alinsunod sa diwa ng propesiya na nasa akin, na siya ring ipinahayag ng Espiritu ng Diyos.

Sinasabi ko sa inyo, na alam ko sa aking sarili na anuman ang aking sasabihin sa inyo, hinggil doon sa darating, ay totoo; at sinasabi ko sa inyo na alam kong si Jesucristo ay paparito, oo, ang Anak, ang Bugtong ng Ama, puspos ng biyaya, at awa, at katotohanan. At masdan, siya itong paparito upang alisin ang mga kasalanan ng sanlibutan, oo, ang mga kasalanan ng bawat taong matatag na naniniwala sa kanyang pangalan.

Alma 5:49

Tinupad ni Alma ang kanyang tungkulin na pangaralan ang bawat isa upang sila ay maisilang muli.

At ngayon, sinasabi ko sa inyo na ito ang orden kung saan ako ay tinawag, oo, ang mangaral sa mga minamahal kong kapatid, oo, at sa bawat isa na naninirahan sa lupain; oo, ang mangaral sa lahat, kapwa sa matanda at bata, kapwa sa alipin at malaya; oo, sinasabi ko sa inyo na mga may edad na, at gayundin sa nasa katanghalian ng gulang, at sa darating na salinlahi; oo, ang ipahayag sa kanila na sila ay kailangang magsisi at isilang na muli.