At ngayon mga minamahal kong kapatid, sinasabi ko sa inyo, mapangangatwiranan ba ninyo ang mga ganitong salita; oo, maisasantabi ba ninyo ang ganitong mga bagay, at yurakan ang Banal sa ilalim ng inyong mga paa, oo, kayo ba ay magmamataas sa kapalaluan ng inyong mga puso; oo, kayo ba ay magpipilit pa rin sa pagbibihis ng mamahaling kasuotan at ilalagak ang inyong mga puso sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig, sa inyong mga kayamanan?
Oo, kayo ba ay magpipilit na ipalagay na kayo ay nakahihigit sa iba; oo, kayo ba ay magpipilit na hamakin ang inyong mga kapatid, na nagpakumbaba ng kanilang sarili at lumalakad alinsunod sa banal na orden ng Diyos, kung kaya sila ay nadala sa simbahang ito, na pinabanal ng Banal na Espiritu, at sila ay gumawa ng mga gawang karapat-dapat sa pagsisisi—
Oo, at kayo ba ay magpipilit na tumalikod sa mga maralita at nangangailangan, at sa pagkakait ng inyong kabuhayan sa kanila? At pangwakas, kayong lahat na magpipilit sa inyong kasamaan, sinasabi ko sa inyo, na sila yaong mga puputulin at ihahagis sa apoy maliban kung sila ay mabilis na magsisisi.
At ngayon sinasabi ko sa inyo, kayong lahat na nagnanais sumunod sa tinig ng mabuting pastol, lumabas kayo mula sa masasama, at humiwalay, at huwag hipuin ang kanilang maruruming bagay; at masdan, ang kanilang mga pangalan ay buburahin, upang ang mga pangalan ng masasama ay hindi mapabilang sa mga pangalan ng mabubuti, upang ang salita ng Diyos ay matupad, sinasabing:
‘Ang mga pangalan ng masasama ay hindi dapat mahalo sa mga pangalan ng aking mga tao; Sapagkat ang mga pangalan ng mabubuti ay masusulat sa aklat ng buhay, at sa kanila ay ipagkakaloob ko ang isang mana sa aking kanang kamay.’
At ngayon, aking mga kapatid, ano ang masasabi ninyo laban dito? Sinasabi ko sa inyo, kung kayo ay magsasalita nang laban dito, ito ay walang halaga, sapagkat ang salita ng Diyos ay tiyak na matutupad.
Sapagkat sinong pastol ang nasa inyo na may maraming tupa ngunit hindi nagbabantay sa kanila, nang ang mga lobo ay huwag makapasok at silain ang kanyang kawan? At masdan, kung ang lobo ay makapasok sa kanyang kawan hindi ba’t kanya itong itataboy palabas? Oo, at sa huli, kung kanyang magagawa, ito ay papatayin niya.
At ngayon, sinasabi ko sa inyo na ang mabuting pastol ay tumatawag sa inyo; at kung kayo ay makikinig sa kanyang tinig kayo ay dadalhin niya sa kanyang kawan, at kayo ay kanyang mga tupa; at kayo ay kanyang inuutusan na walang gutom na lobo ang inyong tulutang makapasok sa inyo, upang kayo ay hindi malipol.
At ngayon, ako, si Alma, ay nag-uutos sa inyo sa wika niya na nag-utos sa akin, na inyong sundin ang mga salitang aking sinabi sa inyo. Ako ay nagsasalita sa paraan ng pag-uutos sa inyo na kabilang sa simbahan; at doon sa mga hindi kabilang sa simbahan ako ay nagsasalita sa paraan ng paanyaya, sinasabing:
‘Lumapit at magpabinyag tungo sa pagsisisi,
upang kayo rin ay maging kabahagi sa bunga ng punungkahoy ng buhay.’