At ito ang mga salitang kanyang sinabi sa mga tao ng simbahan na itinatag sa lunsod ng Zarahemla, ayon sa kanyang sariling talaan, sinasabing:
Ako, si Alma, matapos na maitalaga ng aking amang si Alma na maging isang mataas na saserdote ng simbahan ng Diyos, siya na nagtataglay ng kapangyarihan at karapatan mula sa Diyos na gawin ang mga bagay na ito, masdan, sinasabi ko sa inyo na siya ay nagsimulang magtatag ng simbahan sa lupain na nasa mga hangganan ng Nephi; oo, ang lupaing tinatawag na lupain ng Mormon; oo, at bininyagan niya ang kanyang mga kapatid sa mga tubig ng Mormon. At masdan, sinasabi ko sa inyo, sila ay naligtas mula sa kamay ng mga tao ni haring Noe sa pamamagitan ng awa at kapangyarihan ng Diyos.
At masdan, pagkatapos niyon, sila ay dinala sa pagkaalipin ng mga kamay ng mga Lamanita sa ilang; oo, sinasabi ko sa inyo, sila ay nasa pagkabihag, at muli silang pinalaya ng Panginoon mula sa kanilang pagkaalipin sa kapangyarihan ng kanyang salita; at kami ay dinala sa lupaing ito, at dito ay sinimulan naming magtatag ng simbahan ng Diyos sa lahat ng dako ng lupain ding ito.
At ngayon masdan, sinasabi ko sa inyo, aking mga kapatid, kayo na nabibilang sa simbahang ito, napanatili ba ninyo nang husto sa inyong alaala ang pagkabihag ng inyong mga ama? Oo, at napanatili ba ninyo nang husto sa inyong alaala ang kanyang awa at mahabang pagtitiis para sa kanila? At bukod doon, napanatili ba ninyo nang husto sa inyong alaala na kanyang iniligtas ang kanilang mga kaluluwa mula sa impiyerno?
Masdan, pinagbago niya ang kanilang mga puso; oo, sila ay ginising niya mula sa mahimbing na pagkakatulog, at sila ay nagising sa Diyos. Masdan, sila ay nasa gitna ng kadiliman; gayunpaman, ang kanilang mga kaluluwa ay naliwanagan sa pamamagitan ng liwanag ng walang hanggang salita; oo, sila ay nagapos ng mga gapos ng kamatayan, at ng mga tanikala ng impiyerno, at ang walang hanggang pagkawasak ay naghintay sa kanila.
At ngayon tinatanong ko kayo, aking mga kapatid, sila ba ay nalipol? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi sila nalipol.
At muli, aking itinatanong, ang mga gapos ba ng kamatayan ay nalagot, at ang mga tanikala ng impiyerno na nakagapos sa kanila, ito ba ay nakalag? Sinasabi ko sa inyo, Oo, ang mga ito ay nakalag at ang kanilang mga kaluluwa ay labis na naligayahan at sila ay umawit ng mapagtubos na pag-ibig. At sinasabi ko sa inyo na sila ay nangaligtas.
At ngayon itinatanong ko sa inyo kung sa anong kalagayan sila nangaligtas? Oo, anong batayan mayroon sila upang umasa ng kaligtasan? Ano ang dahilan ng kanilang pagkakakalag mula sa mga gapos ng kamatayan, oo, at gayundin sa mga tanikala ng impiyerno?
Masdan, masasabi ko sa inyo—hindi ba’t ang aking amang si Alma ay naniwala sa mga salitang ipinahayag ng bibig ni Abinadi? At hindi ba’t siya ay isang banal na propeta? Hindi ba’t siya ay nangusap ng mga salita ng Diyos, at ang aking amang si Alma ay naniwala rito? At alinsunod sa kanyang pananampalataya, isang malaking pagbabago ang nangyari sa kanyang puso. Masdan, sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng ito ay totoo.
At masdan, ipinangaral niya ang salita sa inyong mga ama, at isa ring malaking pagbabago ang nangyari sa kanilang mga puso, at sila ay nagpakumbaba ng kanilang sarili at ibinigay ang kanilang pagtitiwala sa totoo at buhay na Diyos. At masdan, sila ay matatapat hanggang wakas; kaya’t sila ay nangaligtas.