Ang Sermon ni Alma para sa Simbahan sa Zarahemla

Pagpapanatili sa Pabor ng Diyos

Alma 5:26–27

Kung ikaw ay minsang nagdanas ng pagbabago ng puso, ang puso mo ba ay gayon parin sa ngayon?

At ngayon masdan, sinasabi ko sa inyo, aking mga kapatid, kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?

Kayo ba ay lumakad na pinananatiling walang sala ang inyong sarili sa harapan ng Diyos? Masasabi ba ninyo sa inyong sarili, kung kayo ay tatawaging mamatay sa mga sandaling ito, na kayo ay naging sapat na mapagpakumbaba? Na ang inyong mga kasuotan ay nalinis at nagawang maputi sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, na paparito upang tubusin ang kanyang mga tao mula sa kanilang mga kasalanan?

Alma 5:28

Ikaw ba'y malaya na mula sa kapalaluan?

Masdan, nahubad na ba sa inyo ang kapalaluan? Sinasabi ko sa inyo, kung hindi, kayo ay hindi pa nakahandang humarap sa Diyos. Masdan, kayo ay kailangang maghanda nang mabilis; sapagkat ang kaharian ng langit ay nalalapit na, at ang gayon ay walang buhay na walang hanggan.

Alma 5:29

Ikaw ba ay malaya sa inggit?

Masdan, sinasabi ko, mayroon bang isa man sa inyo na hindi pa nahuhubaran ng inggit? Sinasabi ko sa inyo, na ang gayon ay hindi nakahanda; at nais ko na siya ay maghanda nang mabilis, sapagkat ang oras ay malapit na; at hindi niya nalalaman kung kailan darating ang sandali, sapagkat ang gayon ay hindi matatagpuang walang kasalanan.

Alma 5:30

Ang ilan ba sa inyo ay minamaliit at pinahihirapan ang iba?

At muli sinasabi ko sa inyo, mayroon bang isa man sa inyo na gumagawa ng pangungutya sa kanyang kapatid, o ibinubunton sa kanya ang mga pag-uusig?

Alma 5:30–32

Kung oo, ang pagsisisi ay kinakailangan.

Sa aba sa gayon, sapagkat hindi siya nakahanda, at ang panahon ay nalalapit na, na kailangan niyang magsisi o siya ay hindi maliligtas! Oo, maging sa aba ninyong lahat na manggagawa ng kasamaan; magsisi, magsisi, sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsalita nito!