At ngayon sinabi ni Alma sa kanila:
Naniniwala ba kayo sa mga yaong banal na kasulatang isinulat nila noon? Masdan, kung naniniwala kayo, kinakailangang maniwala kayo sa sinabi ni Zenos; sapagkat masdan, sinabi niya:
Iwinaksi ninyo ang inyong mga kahatulan dahil sa inyong Anak.
Ngayon masdan, mga kapatid ko, itinatanong ko kung binasa ninyo ang mga banal na kasulatan? Kung binasa ninyo, paanong hindi kayo maniniwala sa Anak ng Diyos?
Sapagkat hindi nasusulat na tanging si Zenos lamang ang nangusap ng mga bagay na ito, kundi nangusap din si Zenok ng mga bagay na ito— Sapagkat masdan, sinabi niya:
‘Nagagalit kayo, O Panginoon, sa mga taong ito,
sapagkat sila ay tumangging unawain ang inyong mga awa
na ipinagkaloob ninyo sa kanila dahil sa inyong Anak.’
At ngayon, mga kapatid ko, nakikita ninyo na may ikalawang propeta noon na nagpatotoo sa Anak ng Diyos, at sapagkat ang mga tao ay tumangging unawain siya kaya nga kanilang pinagbabato siya hanggang sa kamatayan.
Subalit masdan, hindi lamang ito; hindi lamang sila ang nangusap hinggil sa Anak ng Diyos. Masdan, siya ay binanggit ni Moises; oo, at masdan isang kahalintulad ang itinaas sa ilang, na kung sino man ang tumingin dito ay mabubuhay. At marami ang tumingin at nabuhay.
Subalit kakaunti ang nakaunawa sa ibig sabihin ng mga bagay na yaon, at ito ay dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Subalit marami ang napakatigas na tumanggi silang tumingin, kung kaya nga’t nasawi sila. Ngayon, ang dahilan ng pagtanggi nilang tumingin ay dahil sa hindi sila naniwalang sila ay mapagagaling nito.
O mga kapatid ko, kung kayo ay mapagagaling sa pamamagitan lamang ng pagbaling ng inyong mga mata upang kayo’y gumaling, hindi ba kayo mabilis na titingin, o nanaisin pa ninyong patigasin ang inyong mga puso sa kawalang-paniniwala, at maging mga tamad, na hindi ninyo ibabaling ang inyong mga mata, upang masawi kayo?
Kung gayon, sasainyo ang kapighatian; subalit kung hindi, samakatwid ibabaling ninyo ang inyong mga mata at magsisimulang maniwala sa Anak ng Diyos, na siya ay paparito upang tubusin ang kanyang mga tao, at na siya ay magpapakasakit at mamamatay upang magbayad-sala para sa kanilang mga kasalanan; at na siya ay mabubuhay na mag-uli mula sa patay, na papapangyarihin ang pagkabuhay na mag-uli, upang ang lahat ng tao ay tumindig sa kanyang harapan, upang hatulan sa huli at araw ng paghuhukom, alinsunod sa kanilang mga gawa.
At ngayon, mga kapatid ko, hinihiling kong itanim ninyo ang salitang ito sa inyong mga puso, at habang nagsisimula itong lumaki gayon pa man ito ay alagaan ng inyong pananampalataya. At masdan, ito ay magiging isang punungkahoy, sisibol sa inyo tungo sa buhay na walang hanggan. At pagkatapos nawa’y ipagkaloob sa inyo ng Diyos na ang inyong mga pasanin ay gumaan, sa pamamagitan ng kagalakan sa kanyang Anak. At maging ang lahat ng ito ay magagawa ninyo kung inyong nanaisin. Amen.