Aking namamasdan na kayo ay mapagpakumbaba sa puso; at kung magkagayon kayo ay pinagpala. Masdan, ang inyong kapatid ay nagsabi, Ano ang aming gagawin?—sapagkat kami ay itinaboy palabas ng aming mga sinagoga, kaya nga hindi namin masamba ang aming Diyos. Masdan sinasabi ko sa inyo, inaakala ba ninyong hindi kayo makasasamba sa Diyos maliban kung ito ay sa inyong mga sinagoga lamang? At bukod dito, itinatanong ko, inaakala ba ninyong hindi kayo makasasamba sa Diyos kundi minsan lamang sa isang linggo?
Sinasabi ko sa inyo, mabuti na kayo ay itinaboy palabas ng inyong mga sinagoga upang kayo ay maging mapagpakumbaba, at nang kayo ay matuto ng karunungan; sapagkat kailangang kayo ay matuto ng karunungan; sapagkat dahil sa kayo ay itinaboy palabas, na kayo ay hinamak ng inyong mga kapatid dahil sa inyong labis na kahirapan, kaya kayo ay naakay sa kababaan ng puso; sapagkat kayo ay kinakailangang akayin na maging mapagpakumbaba.
At ngayon, dahil sa kayo ay napilitang magpakumbaba, kayo ay pinagpala; sapagkat ang isang tao kung minsan, kung siya ay napilitang magpakumbaba, ay naghahangad na magsisi; at ngayon, tiyak na ang sinumang magsisisi ay makasusumpong ng awa, at siya na nakasumpong ng awa at makapagtitiis hanggang katapusan, siya rin ay maliligtas.
At ngayon, tulad ng sinabi ko sa inyo, na dahil sa kayo ay napilitang magpakumbaba kayo ay pinagpala, hindi ba ninyo inaakala na higit na pinagpala sila na tunay na nagpakumbaba ng kanilang sarili dahil sa salita?
Oo, siya na tunay na nagpapakumbaba ng kanyang sarili, at nagsisisi ng kanyang mga kasalanan, at makapagtitiis hanggang sa katapusan, siya rin ay pagpapalain—oo, lalong higit na pagpapalain kaysa sa kanila na napilitang magpakumbaba dahil sa kanilang labis na kahirapan.
Kaya nga, pinagpala sila na nagpapakumbaba ng kanilang sarili na hindi kailangang piliting magpakumbaba; o kaya sa ibang salita, pinagpala siya na naniniwala sa salita ng Diyos, at nabinyagan nang walang katigasan ng puso, oo, na hindi na kinailangan pang malaman ang salita, o kaya’y pinilit na malaman bago sila maniwala.
Oo, marami ang nagsasabi:
Kung ikaw ay magpapakita sa amin ng isang palatandaan mula sa langit,
sa gayon, malalaman namin nang may katiyakan, at pagkatapos kami ay maniniwala.
Ngayon, itinatanong ko, ito ba ay pananampalataya? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi, sapagkat kung nalalaman ng isang tao ang isang bagay, siya ay walang dahilan upang maniwala, sapagkat alam na niya ito.
At ngayon, gaano kahigit na susumpain siya na nakaaalam ng kalooban ng Diyos at hindi ito ginagawa, kaysa sa kanya na naniniwala lamang, o mayroon lamang dahilan upang maniwala at mahulog sa pagkakasala?
Ngayon, sa bagay na ito, kayo ang kailangang humatol. Masdan, sinasabi ko sa inyo, na ito ay sa isang dako katulad din sa kabilang dako; at ito ay mangyayari sa bawat tao alinsunod sa kanyang gawa.