Ang Mga Turo ni Alma sa Mga Zoramita

Tungo sa Puno ng Kaalaman

Alma 32:36

Hindi ito ang katapusan; ang pananampalataya ay kinakailangan parin sa kabila ng pagkakakilala na ang binhi ay mabuti.

Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; ni hindi ninyo kailangang isantabi ang inyong pananampalataya, sapagkat inyo lamang ginamit ang inyong pananampalataya upang itanim ang binhi at nang inyong maisagawa ang pagsubok upang inyong malaman kung ang binhi ay mabuti.

Alma 32:37

Habang ang binhi ay lumalaki patungo sa isang pagiging puno, kinakailangan nito ang pangangalaga upang ito ay magkaugat at magbunga.

At masdan, habang ang punungkahoy ay nagsisimulang lumaki, inyong sasabihin:

Ating alagaan ito nang may malaking pagkalinga, nang iyon ay magkaugat, nang iyon ay lumaki, at magbigay ng bunga sa atin.

At ngayon, masdan, kung inyong aalagaan iyon nang mabuti, ito ay magkakaugat, at tutubo at magbibigay ng bunga.

Alma 32:38

Ang pagpapabaya sa puno ang pipigil rito para magkaugat, at magiging dahilan ng pagkatuyo at pagkamatay nito.

Subalit kung inyong pababayaan ang punungkahoy, at hindi iisipin ang pangangalaga rito, masdan, iyon ay hindi magkakaroon ng anumang ugat; at kung ang init ng araw ay matindi at darangin ito, sapagkat wala itong ugat ito ay malalanta, at ito ay inyong bubunutin at itatapon.

Alma 32:39

Ang kamatayan ng puno--at ang kaakibat na pagkawala ng bunga--ay hindi isang nauugnay sa kalidad ng binhi, subalit isang sanhi ng isang tigang na lupa at kawalan ng pangangalaga.

Ngayon, ito ay hindi dahil ang binhi ay hindi mabuti, ni ito ay dahil ang bunga niyon ay hindi magiging kanais-nais; kundi ito ay dahil ang inyong lupa ay tigang, at hindi ninyo inaalagaan ang punungkahoy, anupa’t hindi kayo magkakaroon ng bunga niyon.

Alma 32:40

Ang pagkalingat sa pangangalaga sa salita ang dahilan upang hindi makapag-ani ng bunga ng puno ng buhay.

At kung magkagayon, kung hindi ninyo aalagaan ang salita, na umaasa nang may pananampalataya sa bunga niyon, hindi kayo kailanman makapipitas ng bunga ng punungkahoy ng buhay.

Alma 32:41

Isang maingat, at matiyagang pagbibigay pansin sa puno habang ito ay lumalaki ay magiging dahilan upang ito ay lumago patungo sa walang-hanggang buhay.

Subalit kung inyong aalagaan ang salita, oo, aalagaan ang punungkahoy habang ito ay nagsisimulang lumaki, sa pamamagitan ng inyong pananampalataya nang may malaking pagsisikap, at may pagtitiyaga, umaasa sa bunga niyon, ito ay magkakaugat, at masdan, ito ay magiging isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan.

Alma 32:42

Isang masigasig na pangangalaga sa puno ang magiging sanhi para ito ay magkaugat at magdala ng mahahalagang bunga, na kung magpapakabusog dito ay siyang mapapawi sa lahat ng gutom at uhaw.

At dahil sa inyong pagsisikap at inyong pananampalataya at inyong pagtitiyaga sa salita sa pag-aalaga nito upang ito’y mapapag-ugat ninyo, masdan, di maglalaon, kayo ay pipitas ng bunga niyon, na pinakamahalaga, na pinakamatamis sa lahat ng matamis, at pinakamaputi sa lahat ng maputi, oo, at pinakadalisay sa lahat ng dalisay; at kayo ay magpapakabusog sa bungang ito hanggang sa kayo ay mapuno, upang hindi na kayo magutom pa, ni hindi na kayo mauuhaw.

Alma 32:43

Ang pagsusumigasig, pagtiyatiyaga, at mahabang pagtitiis ay ginagantimpalaan sa pamamagitan ng pag-ani ng bunga ng puno.

Kung magkagayon, mga kapatid ko, inyong aanihin ang mga gantimpala ng inyong pananampalataya, at inyong pagsisikap, at pagtitiyaga, at mahabang pagtitiis, sa paghihintay sa punungkahoy na magbigay ng bunga sa inyo.