Ang Mga Propesiya at Mga Pangaral ni Samuel

Mga Pagkakataon sa Pagsisisi

Helaman 13:30–32

Ang kayamanan ng mga tao ay magiging isinumpa, at ang kahirapan ay lalaganap sa lupain.

Oo, masdan, ang galit ng Panginoon ay nagsiklab na laban sa inyo; masdan, naisumpa na niya ang lupain dahil sa inyong kasamaan. At masdan, darating ang panahon na susumpain niya ang inyong mga kayamanan, kung kaya’t ang mga iyon ay magiging madulas, na hindi ninyo mahahawakan yaon; at sa araw ng inyong kahirapan ay hindi ninyo mapananatili yaon. At sa araw ng inyong kahirapan, kayo ay magsusumamo sa Panginoon; at sa kabiguan kayo ay sasamo sapagkat ang inyong pamamanglaw ay sumapit na sa inyo, at ang inyong pagkalipol ay ginawang tiyak; at pagkatapos kayo ay mananangis at hahagulgol sa araw na iyon, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.

Helaman 13:32–37

Sa panahong iyon, pagsisisihan ng mga tao ang kanilang makasalanang gawi, subalit sa malaking bahagi ito ay huli na.

At kung magkagayon kayo ay mamimighati, at sasabihin:

O, kung ako ay nagsisi, at hindi pinatay ang mga propeta, at binato sila, at itinaboy.

Oo, sa araw na iyon ay sasabihin ninyo:

O, na aming naalaala ang Panginoon naming Diyos noong araw na ibinigay niya sa amin ang aming mga kayamanan, at nang sa gayon ay hindi sana yaon naging madulas upang mawala sa amin ang mga yaon; sapagkat masdan, ang aming mga kayamanan ay naglaho sa amin.

Masdan, maglalapag kami ng isang kasangkapan dito at sa kinabukasan iyon ay wala na; at masdan, ang aming mga espada ay kinuha sa amin sa araw na hinahanap namin ang mga iyon para sa digmaan.

Oo, ikinubli namin ang aming mga kayamanan at ang mga ito ay nakahulagpos sa amin, dahil sa sumpa sa lupain.

O kung kami ay nagsisi sa araw na ang salita ng Panginoon ay dumating sa amin; sapagkat masdan ang lupain ay isinumpa, at lahat ng bagay ay nagiging madulas, at hindi namin mahawakan ang mga yaon.

Masdan, kami ay napaliligiran ng mga demonyo, oo, kami ay napalilibutan ng mga anghel niya na naghahangad na wasakin ang aming mga kaluluwa.

Masdan, ang aming mga kasamaan ay malubha. O Panginoon, hindi ba maaaring alisin ninyo ang inyong galit mula sa amin? At ganito ang magiging pananalita ninyo sa araw na yaon.

Helaman 13:38

Ang mga pagkakataon upang magsisi at magbago ay lumilipas.

Ngunit masdan, ang mga araw ng inyong pagsubok ay lumipas na; inyong ipinagpaliban ang araw ng inyong kaligtasan hanggang sa ito ay lubusang naging huli na, at ang inyong pagkalipol ay tiniyak; oo, sapagkat inyong hinangad sa lahat ng araw ng inyong buhay yaong hindi ninyo matatamo; at kayo ay naghangad ng kaligayahan sa paggawa ng kasamaan, kung aling bagay ay salungat sa kalikasan ng yaong kabutihan na nasa ating dakila at Walang Hanggang Pinuno.

Helaman 13:39

Ang pagsisisi ang magaalis ng galit ng Panginoon.

O kayong mga tao ng lupain, inyo sanang pakinggan ang aking mga salita! At ako ay dumadalangin na ang galit ng Panginoon ay alisin sa inyo, at na kayo ay mangagsisi at maligtas.