Ang Mga Propesiya at Mga Pangaral ni Samuel

Ang Pagtanggi sa mga Nephita

Helaman 13:24

Tinatanggihan ng mga Nephita at pinapatay ang mga propetang ipinadala ng Diyos.

Oo, sa aba sa mga taong ito, dahil sa panahong ito na sumapit, na inyong itinataboy ang mga propeta, at nilalait sila, at binabato sila, at pinapatay sila, at ginagawa ang lahat ng uri ng kasamaan sa kanila, maging tulad ng ginawa nila noong unang panahon.

Helaman 13:25

Sinasabi ng mga Nephita na kung sila lang ay nabuhay sa mga nakaraang panahon, hindi nila gagawing tanggihan at patayin ang mga propeta.

At ngayon, kung kayo ay nagsasalita, ay sinasabi ninyo:

Kung ang aming mga araw ay sa mga araw ng aming mga ama noong unang panahon,
malamang hindi namin pinatay ang mga propeta;

malamang na hindi namin sila binato,
at itinaboy.

Helaman 13:26

Subalit kanilang tinatanggihan at nilalait ang mga propetang dumarating sa kanila upang pagsabihan sila sa kanilang mga kasamaan.

Masdan, kayo ay masahol pa sa kanila; sapagkat yamang ang Panginoon ay buhay, kung ang isang propeta ay magtungo sa inyo at ipahayag sa inyo ang salita ng Panginoon, na nagpapatotoo sa inyong mga kasalanan at kasamaan, kayo ay nagagalit sa kanya, at itinataboy siya at humahanap ng lahat ng uri ng paraan upang patayin siya; oo, sasabihin ninyo na siya ay isang huwad na propeta, at na siya ay isang makasalanan, at mula sa diyablo, sapagkat siya ay nagpapatotoo na ang inyong mga gawa ay masasama.

Helaman 13:27

Kapag ang isang bulaang propeta ay dumating at sabihan ang mga taong mamuhay ng masama, siya ay tinatanggap bilang isang totoong propeta.

Ngunit masdan, kung ang isang tao ay magtungo sa inyo at magsasabi:

Gawin ito, at walang masama.

Gawin iyon at hindi ka magdurusa;

Oo, kanyang sasabihin:

Lumakad alinsunod sa kapalaluan ng inyong mga puso;

Oo, lumakad alinsunod sa kapalaluan ng inyong mga paningin,
at gawin kung anuman ang nais ng inyong puso

At kung ang isang tao ay magtungo sa inyo at sasabihin ito, tatanggapin ninyo siya, at sasabihin na siya ay isang propeta.

Helaman 13:28

Ang mga bulaang propeta ay itinataguyod at hinihikayat.

Oo, sasambahin ninyo siya, at ibibigay ninyo sa kanya ang inyong mga kabuhayan; ibibigay ninyo sa kanya ang inyong ginto, at ang inyong pilak, at bibihisan ninyo siya ng mamahaling kasuotan; at sapagkat siya ay nangusap ng labis na mga mapanghibok na salita sa inyo, at kanyang sinabi na ang lahat ay mabuti, kung gayon ay wala kayong makikitang masama sa kanya.

Helaman 13:29

Gaano katagal na ang kasamaan ay mananaig laban sa mabuti?

O, kayong masasama at balakyot na salinlahi; kayong nagmatigas at mga taong matitigas ang leeg, hanggang kailan inaakala ninyo na ang Panginoon ay makatatagal sa inyo? Oo, hanggang kailan ninyo pahihintulutan ang inyong sarili na akayin ng mga hangal at bulag na taga-akay? Oo, hanggang kailan ninyo pipiliin ang kadiliman sa halip na liwanag?