At masdan, isang sumpa ang sasapit sa lupain, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, dahil sa mga taong naroroon sa lupain, oo, dahil sa kanilang kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain. At ito ay mangyayari, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, oo, ang ating dakila at tunay na Diyos, na kung sinuman ang magkukubli ng kayamanan sa lupa kailanman ay hindi na muling masusumpungan yaon, dahil sa masidhing sumpa sa lupain, maliban kung siya ay isang mabuting tao at ikukubli niya ito sa Panginoon.
Sapagkat nais ko, wika ng Panginoon, na ikubli nila ang kanilang kayamanan sa akin; at sumpain sila na hindi ikukubli ang kanilang kayamanan sa akin; sapagkat walang magkukubli ng kayamanan sa akin maliban sa mabubuti; at siya na hindi ikukubli ang kayamanan sa akin, sumpain siya, at pati na ang kayamanan, at walang makatutubos noon dahil sa sumpa sa lupain.
At darating ang araw na ikukubli nila ang kanilang mga kayamanan, sapagkat ang kanilang mga puso ay inilagak nila sa kanilang yaman; at sapagkat inilagak nila ang kanilang mga puso sa kanilang mga kayamanan, at ikukubli nila ang kanilang mga kayamanan sa kanilang pagtakas mula sa harapan ng kanilang mga kaaway; sapagkat hindi nila ikukubli ang mga yaon sa akin, sumpain sila at pati ang kanilang mga kayamanan; at sa araw na yaon sila ay babagabagin, wika ng Panginoon.
Masdan ninyo, mga tao ng dakilang lunsod na ito, at makinig sa aking mga salita; oo, makinig sa mga salitang sinabi ng Panginoon; sapagkat masdan, sinabi niya na kayo ay susumpain dahil sa inyong mga kayamanan, at gayundin ang inyong mga kayamanan ay susumpain sapagkat ang inyong mga puso ay inilagak ninyo sa mga yaon, at hindi nangakinig sa mga salita niya na nagbigay sa inyo ng mga yaon.
Hindi ninyo naaalaala ang Panginoon ninyong Diyos sa mga bagay na pinagpala niya sa inyo; ngunit lagi ninyong naaalaala ang inyong mga kayamanan, hindi upang magpasalamat sa Panginoon ninyong Diyos para sa mga yaon; oo, ang inyong mga puso ay hindi nakatuon sa Panginoon, sa halip yaon ay lumalaki sa matinding kapalaluan, tungo sa pagmamalaki, at tungo sa kahambugan, mga pagkainggit, sigalutan, malisya, pang-uusig, at pagpaslang, at lahat ng uri ng kasamaan.
Sa dahilang ito ay pinapangyari ng Panginoong Diyos na ang sumpa ay sumapit sa lupain, at gayon din sa inyong mga kayamanan, at iyon ay dahil sa inyong mga kasamaan.