Ang Panahon ng Digmaan ng Zarahemla

Ang Patuloy na Pag-unlad ng Kabihasnang Nephita

Alma 63:4

Isang malaking pangkat ng mga Nephitang manlalakbay ay nilisan ang Zarahemla at naglakbay sa lupaing pahilaga.

At ito ay nangyari na, na sa ikatatlumpu at pitong taon ng panunungkulan ng mga hukom, ay may malaking pangkat ng kalalakihan, maging hanggang sa bilang na limang libo at apat na raang katao, kasama ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak, ang lumisan sa lupain ng Zarahemla patungo sa lupaing pahilaga.

Alma 63:5–6

Isang Nephitang nagngangalang Hagoth ay gumawa ng isang malaking bangka at isinulong ito patungo sa kanlurang dagat kasama ang marami pang iba.

At ito ay nangyari na, na si Hagot, siya na labis na mausisang lalaki, kaya nga, siya ay humayo at gumawa ng napakalaking sasakyang-dagat, sa mga hangganan ng lupaing Masagana, sa may lupaing Kapanglawan, at pinalayag ito sa may kanlurang dagat, sa may makitid na daanan na tumutuloy sa lupaing pahilaga. At masdan, marami sa mga Nephita ang pumasok doon at naglayag na may dalang maraming pagkain, at marami ring kababaihan at maliliit na bata; at tinahak nila ang kanilang landas na pahilaga. At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpu at pitong taon.

Alma 63:7–9, 10

Si Hagoth ay bumalik, nagtipon ng mga panustos, at nagdala ng marami pang mga tao (kabilang si Corianton) kasama niya sa isa pang paglalakbay dagat—hindi na sila muling nakita pa.

At sa ikatatlumpu at walong taon, ang lalaking ito ay gumawa ng iba pang mga sasakyang-dagat. At ang naunang sasakyang-dagat ay nagbalik din, at marami pang tao ang pumasok dito; at nagdala rin sila ng maraming pagkain, at muling naglayag patungo sa lupaing pahilaga. At ito ay nangyari na, na wala nang narinig pa hinggil sa kanila. At inakala naming sila ay nangalunod sa kailaliman ng dagat. At ito ay nangyari na, na isa pang sasakyang-dagat ang naglayag din; at kung saan man ito nagtungo ay hindi namin nalalaman. At ito ay nangyari na, na sa taong ito ay maraming tao ang nagtungo sa lupaing pahilaga. At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpu at walong taon.


...at si Corianton ay nagtungo sa lupaing pahilaga sa isang sasakyang-dagat, upang magdala ng pagkain sa mga taong nagtungo sa lupaing yaon.

Alma 63:11,10

Ipinasa ni Siblon ang mga talaan ng mga Nephita sa kanyang pamangkin na lalaki na si Helaman, at namatay.

Anupa’t kinailangang igawad ni Siblon ang mga banal na bagay na yaon, bago ang kanyang kamatayan, sa anak ni Helaman, na nagngangalang Helaman, na tinawag alinsunod sa pangalan ng kanyang ama.


At ito ay nangyari na, na sa ikatatlumpu at siyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom, si Siblon ay namatay na rin...

Alma 63:12–13

Si Helaman ay nagsagawa ng pagsisikap na mailathala ang mga mahahalagang bahagi ng mga talaan ng Nephita sa mga tao.

Ngayon masdan, ang lahat ng nauukit na nasa pag-iingat ni Helaman ay isinulat at ipinahayag sa mga anak ng tao sa lahat ng dako ng buong lupain, maliban sa mga bahaging yaon na ipinag-utos ni Alma na hindi nararapat na ipahayag. Gayon pa man, ang mga bagay na ito ay pananatilihing banal, at ipapasa-pasa sa bawat sali’t salinlahi; kaya nga, sa taong ito, ang mga ito ay iginawad kay Helaman, bago ang kamatayan ni Siblon.

Alma 63:14–17

Ilang mga naghimagsik na mga Nephita ay sumapi sa mga Lamanita; ang mga Lamanita naman ay nagsimulang sumalakay sa mga Nephita, subalit ang hukbo ni Moronihas ay matagumpay na nagapi sila.

At ito rin ay nangyari na, na sa taong ito, may ilan-ilang tumiwalag na nakiisa sa mga Lamanita; at sila ay muling napukaw na magalit laban sa mga Nephita. At sa taon ding ito’y sumalakay sila nang may napakalaking hukbo upang makidigma laban sa mga tao ni Moronihas, o laban sa hukbo ni Moronihas, kung saan sila ay nagapi at muling naitaboy sa kanilang sariling mga lupain, na nagdanas ng malaking kawalan. At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpu at siyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi. At sa gayon nagtapos ang ulat ni Alma, at ni Helaman, na kanyang anak, at ni Siblon din, na anak niya.