At ito ay nangyari na, na matapos patibayin ni Moroni ang mga bahaging yaon ng lupain na pinakalantad sa mga Lamanita, hanggang sa maging sapat ang kanilang lakas, siya ay nagbalik sa lunsod ng Zarahemla; at nagbalik din si Helaman sa lugar na kanyang mana; at muling naitatag ang kapayapaan sa mga tao ni Nephi. At ibinigay ni Moroni ang kapangyarihan sa kanyang mga hukbo sa mga kamay ng kanyang anak, na nagngangalang Moronihas; at siya ay namahinga sa kanyang sariling tahanan upang magugol niya ang nalalabi sa kanyang mga araw sa kapayapaan.
At si Pahoran ay nagbalik sa kanyang hukumang-luklukan; at si Helaman ay muling nagbalik sa pangangaral sa mga tao ng salita ng Diyos; sapagkat sa dami ng digmaan at alitan ay kinailangang magkaroong muli ng alituntunin sa simbahan.
Kaya nga, si Helaman at ang kanyang mga kapatid ay humayo, at ipinahayag ang salita ng Diyos nang may labis na kapangyarihan hanggang sa mapaniwala ang maraming tao sa kanilang kasamaan, na naghimok sa kanila na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan at magpabinyag sa Panginoon nilang Diyos. At ito ay nangyari na, na muli nilang itinatag ang simbahan ng Diyos, sa lahat ng dako ng buong lupain. Oo, at gumawa ng mga alituntunin hinggil sa batas. At ang kanilang mga hukom, at ang kanilang mga punong hukom ay pinili.
At ang mga tao ni Nephi ay nagsimulang muling umunlad sa lupain, at nagsimulang dumami at muling maging makapangyarihan sa lupain. At nagsimula silang magsiyaman nang labis. Subalit sa kabila ng kanilang mga kayamanan, o ng kanilang lakas, o ng kanilang kasaganaan, hindi sila iniangat sa kapalaluan ng kanilang mga paningin; ni hindi sila naging mabagal sa pag-aalaala sa Panginoon nilang Diyos kundi sila ay nagpakumbaba nang labis sa kanyang harapan.
Oo, naalaala nila ang mabubuting bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanila, na kanyang iniligtas sila mula sa kamatayan, at mula sa mga gapos, at mula sa mga bilangguan, at mula sa lahat ng uri ng paghihirap; at kanyang iniligtas sila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway. At patuloy silang nanalangin sa Panginoon nilang Diyos, kung kaya nga’t pinagpala sila ng Panginoon, alinsunod sa kanyang salita, upang sila ay maging makapangyarihan at umunlad sa lupain.
At ito ay nangyari na, na ang lahat ng ito ay naganap. At si Helaman ay namatay, sa ikatatlumpu at limang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.