At ngayon ito ay nangyari na, nang si Moroni, na siyang punong komandante ng mga hukbo ng mga Nephita, ay narinig ang hinggil sa mga pagtiwalag na ito, na siya ay nagalit kay Amalikeo. At ito ay nangyari na, na pinunit niya ang kanyang bata; at kinuha niya ang isang piraso niyon, at sinulatan ito—
Sa alaala ng ating Diyos,
ating relihiyon,
at kalayaan,
at ating kapayapaan,
ating mga asawa,
at ating mga anak—
at ikinabit niya ito sa dulo ng isang mahabang kahoy.
At isinuot niya ang kanyang baluti sa ulo, at kanyang baluti sa dibdib, at kanyang mga kalasag, at ibinigkis ang kanyang baluti sa kanyang balakang; at kinuha niya ang mahabang kahoy, kung saan nakakabit sa dulo niyon ang kanyang pinunit na bata, (at tinawag niya itong ang bandila ng kalayaan ) at iniyukod niya ang kanyang sarili sa lupa, at siya ay nanalangin nang mataimtim sa kanyang Diyos upang ang mga pagpapala ng kalayaan ay mapasakanyang mga kapatid, hangga’t may pangkat ng mga Cristiyanong nananatili upang angkinin ang lupain— Sapagkat sa gayon ang lahat ng tunay na naniniwala kay Cristo, na nabibilang sa simbahan ng Diyos, ay tinatawag ng mga yaong hindi nabibilang sa simbahan.
At ang mga yaong kabilang sa simbahan ay matatapat; oo, lahat ng yaong tunay na naniniwala kay Cristo ay tinaglay sa kanilang sarili, nang may kagalakan, ang pangalan ni Cristo, o mga Cristiyano kung sila ay tawagin, dahil sa kanilang paniniwala kay Cristo na paparito.
At kaya nga, sa panahong ito, ipinanalangin ni Moroni na ang kapakanan ng mga Cristiyano, at ang kalayaan ng lupain ay itaguyod. At ito ay nangyari na, nang maibuhos niya ang kanyang kaluluwa sa Diyos, ay binansagan niya ang lahat ng lupain na nasa timog ng lupaing Kapanglawan, oo, at sa madaling salita, lahat ng lupain, kapwa sa hilaga at sa timog—Isang piniling lupain, at ang lupain ng kalayaan. At sinabi niya:
Tunay na hindi pahihintulutan ng Diyos na tayo, na kinamumuhian dahil sa tinaglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, ay yurakan at lipulin, hanggang sa ipataw natin ito sa ating sarili sa pamamagitan ng ating sariling mga kasalanan.
At nang sabihin ni Moroni ang mga salitang ito, siya ay humayo sa mga tao, iwinawagayway ang pinunit na bahagi ng kanyang kasuotan sa hangin, upang makita ng lahat ang sulat na isinulat niya sa pinunit na bahagi, at sumisigaw sa malakas na tinig, sinasabing:
Masdan, sino man ang magpapanatili sa bandilang ito sa lupain, magsilapit sila sa lakas ng Panginoon, at makipagtipang pananatilihin nila ang kanilang mga karapatan, at kanilang relihiyon, upang pagpalain sila ng Panginoong Diyos.
At ito ay nangyari na, nang ipahayag ni Moroni ang mga salitang ito, masdan, sama-samang patakbong nagsidatingan ang mga tao na nakabigkis ang kanilang mga baluti sa kanilang mga balakang, pinupunit ang kanilang mga kasuotan bilang palatandaan, o bilang isang pakikipagtipan, na hindi nila tatalikuran ang Panginoon nilang Diyos; oo, sa ibang salita, kung sila ay lalabag sa mga kautusan ng Diyos, o mahuhulog sa paglabag, at mahihiyang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo, sila ay wawasakin ng Panginoon maging tulad ng pagpunit nila sa kanilang mga kasuotan.
Ngayon ito ang tipang ginawa nila, at inihagis nila ang kanilang mga kasuotan sa paanan ni Moroni, sinasabing:
Kami ay nakikipagtipan sa aming Diyos, na kami’y lipulin, katulad ng aming mga kapatid sa lupaing pahilaga, kung kami ay mahuhulog sa paglabag; oo, maaari niya kaming ihagis sa paanan ng aming mga kaaway, maging katulad ng pagkakahagis namin sa aming mga kasuotan sa iyong paanan upang yapak-yapakan sa ilalim ng mga paa, kung kami ay mahuhulog sa paglabag.
Sinabi ni Moroni sa kanila:
Masdan, tayo ay labi ng mga binhi ni Jacob; oo, tayo ay labi ng mga binhi ni Jose, kung kaninong bata ay pinagpunit-punit ng kanyang mga kapatid sa maraming piraso; oo, at ngayon masdan, pakatandaan nating sundin ang mga kautusan ng Diyos, o ang ating mga kasuotan ay pagpupunit-punitin ng ating mga kapatid, at tayo ay itatapon sa bilangguan, o ipagbibili, o mapatay.
Oo, halina’t pangalagaan natin ang ating kalayaan bilang labi ni Jose; oo, alalahanin natin ang mga salita ni Jacob, bago ang kanyang kamatayan, sapagkat masdan, nakita niya na may isang bahagi ng labi ng bata ni Jose ang naingatan at hindi nasira. At sinabi niya—
‘Maging tulad ng pag-iingat sa labi ng kasuotang ito ng aking anak, gayon din ay may pangangalagaang isang labi ng mga binhi ng aking anak sa pamamagitan ng kamay ng Diyos, at dadalhin sa kanyang sarili, samantalang ang nalalabi sa mga binhi ni Jose ay masasawi, maging tulad ng labi ng kanyang kasuotan. Ngayon masdan, binibigyan nito ng kalungkutan ang aking kaluluwa; gayon pa man, may galak ang aking puso sa aking anak, dahil sa yaong bahagi ng kanyang mga binhing kukunin ng Diyos.’
Ngayon masdan, ito ang winika ni Jacob.
At ngayon sino ang nakaaalam kung sino yaong labi ng mga binhi ni Jose, na masisirang tulad ng kanyang kasuotan, ay ang mga yaong tumiwalag mula sa atin? Oo, at maging ito ay magiging tayo rin kung hindi tayo matatag na maninindigan sa pananampalataya kay Cristo.