Ang Mga Gawaing Misyonero ni Aaron

Pagtuturo sa Palasyo ng Hari

Alma 22:1

Si Aaron at ang kanyang mga kasama ay humayo papunta sa lupain ng Nephi at natagpuan ang palasyo ng hari.

Ngayon, habang si Ammon ay nasa gayong patuloy na pagtuturo sa mga tao ni Lamoni, magbabalik tayo sa ulat ni Aaron at ng kanyang mga kapatid; sapagkat matapos niyang lisanin ang lupain ng Midoni, siya ay inakay ng Espiritu sa lupain ng Nephi, maging sa tahanan ng hari ng buong lupain maliban sa lupain ng Ismael; at siya ang ama ni Lamoni.

Alma 22:2–3

Nagmungkahi silang maging tagapagsilbi ng hari.

At ito ay nangyari na, na siya ay pumasok sa kanya sa palasyo ng hari, kasama ang kanyang mga kapatid, at iniyukod ang kanyang sarili sa harapan ng hari, at sinabi sa kanya:

Masdan, O hari, kami ang mga kapatid ni Ammon, na inyong pinalaya mula sa bilangguan. At ngayon, O hari, kung hindi ninyo kikitlin ang aming mga buhay, kami ay inyong magiging mga tagapagsilbi.

Alma 22:3

Na-intriga ang hari ng mga misyonero at nagnais na malaman kung bakit si Amon ay hindi sumama sa kanila.

At sinabi ng hari sa kanila:

Tumindig, sapagkat ipagkakaloob ko sa inyo ang inyong mga buhay, at hindi ko pahihintulutan na kayo ay aking maging mga tagapagsilbi; kundi ipagpipilitan kong kayo ay mangaral sa akin; sapagkat ako’y tila bagang nabagabag sa isipan dahil sa kagandahang-loob at kadakilaan ng mga salita ng inyong kapatid na si Ammon; at nais kong malaman ang dahilan kung bakit hindi siya lumisang kasama kayo sa Midoni.

Alma 22:4

Sinabi ng mga sa hari na ang Espiritu ay nagbigay direksiyon kay Amon na bumalik sa Ismael, upang turuan ang mga tao ni Lamoni (ang kanyang anak).

At sinabi ni Aaron sa hari:

Masdan, ang Espiritu ng Panginoon ay tinawag siya sa ibang dako; siya ay nagtungo sa lupain ng Ismael upang turuan ang mga tao ni Lamoni.

Alma 22:5–6

Ang hari ay nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng "ang Espiritu", at nagtanong tungkol sa doktrina.

Ngayon sinabi ng hari sa kanila:

Ano itong inyong sinabi hinggil sa Espiritu ng Panginoon? Masdan, ito ang bagay na bumabagabag sa akin. At gayon din, ano itong sinabi ni Ammon—Kung kayo ay magsisisi kayo ay maliligtas, at kung kayo ay hindi magsisisi, kayo ay itatakwil sa huling araw?

Alma 22:7

Tinanong siya ni Aaron kung naniniwala siya sa Diyos.

At tinugon siya ni Aaron at sinabi sa kanya:

Naniniwala ba kayong may Diyos?

Alma 22:7

Nalalaman ng hari na ang mga Amalekita ay sinasabing sumasamba sa Diyos, ngunit higit pa roon, kakaunti lamang ang nalalaman niya; gayunpaman, siya ay nagnanais na malaman.

At sinabi ng hari:

Alam kong sinasabi ng mga Amalekita na may Diyos, at pinahintulutan ko silang makapagtayo ng kanilang mga santuwaryo, upang sama-samang matipon nila ang kanilang sarili na sambahin siya. At kung sasabihin mo ngayon na may Diyos, masdan, ako ay maniniwala.

Alma 22:8

Pinatotohanan ni Aaron sa hari na mayroong Diyos.

At ngayon, nang ito ay marinig ni Aaron, ang kanyang puso ay nagsimulang magsaya, at sinabi niya:

Masdan, tunay na yamang kayo ay buhay,
o hari, ay may Diyos.

Alma 22:9

Ang hari ay nagtanong kung ang Diyos ang Dakilang Espiritu.

At sinabi ng hari:

Ang Diyos ba ay yaong Dakilang Espiritu na siyang nagdalang palabas
sa ating mga ama sa lupain ng Jerusalem?

Alma 22:10

Sinabi ni Aaron na oo, at na siya ang tagapaglikha ng lahat ng bagay.

At sinabi ni Aaron sa kanya:

Oo, siya yaong Dakilang Espiritu, at nilikha niya ang lahat ng bagay kapwa nasa langit at nasa lupa. Naniniwala ba kayo rito?

Alma 22:11

Ang hari ay naniwala.

At sinabi niya:

Oo, ako ay naniniwalang nilikha ng Dakilang Espiritu ang lahat ng bagay, at hinihiling kong sabihin mo sa akin ang hinggil sa lahat ng bagay na ito, at ako ay maniniwala sa iyong mga salita.

Alma 22:12

Si Aaron, na nakikita ang bukas na puso ng hari, ay nagsimulang mangaral mula sa mga banal na kasulatan.

At ito ay nangyari na, nang makita ni Aaron na maniniwala ang hari sa kanyang mga salita, nagsimula siya mula sa paglikha kay Adan, binabasa ang mga banal na kasulatan sa hari—kung paano nilikha ng Diyos ang tao sa kanyang sariling wangis, at na binigyan siya ng Diyos ng mga kautusan, at na dahil sa paglabag, ang tao ay nahulog.

Alma 22:13–14

Ipinaliwanag ni Aaron ang paglikha, ang pagkahulog, at ang plano ng pagtubos, ang pagbabayad-sala ni Cristo, at ang pagkabuhay na mag-uli.

At ipinaliwanag ni Aaron sa kanya ang mga banal na kasulatan mula sa paglikha kay Adan, isinalaysay ang pagkahulog ng tao sa kanyang harapan, at kanilang makalupang kalagayan, at gayon din ang plano ng pagtubos, na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, sa pamamagitan ni Cristo, para sa lahat ng sino mang maniniwala sa kanyang pangalan.

At dahil sa nahulog ang tao siya ay walang karapatan sa alinmang bagay para sa kanyang sarili; subalit ang mga pagpapakasakit at kamatayan ni Cristo ang magbabayad-sala para sa kanilang mga kasalanan, sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsisisi, at iba pa; at nilagot niya ang mga gapos ng kamatayan, upang ang libingan ay hindi magtagumpay, at ang tibo ng kamatayan ay malamon sa pag-asa ng kaluwalhatian; at ang lahat ng bagay na ito ay ipinaliwanag ni Aaron sa hari.