Ang Mga Gawaing Misyonero ni Aaron

Proklamasyon Para sa Proteksiyon ng Mga Misyonero

Alma 23:1–2

Ang hari ay nagpadala ng pahayag na nagbabawal ng anumang nakapipinsalang gawain laban sa mga misyonero.

Masdan, ngayon ito ay nangyari na, na ang hari ng mga Lamanita ay nagpadala ng pahayag sa lahat ng kanyang mga tao, na hindi nila pagbubuhatan ng kanilang mga kamay si Ammon, o Aaron, o Omner, o Himni, ni isa man sa kanilang mga kapatid na hahayo sa pangangaral ng salita ng Diyos, saan mang lugar sila magtungo, sa alinmang bahagi ng kanilang lupain.

Oo, siya ay nagpadala ng isang utos sa kanila, na hindi nila sasalingin sila ng kanilang mga kamay upang igapos sila, o itapon sila sa bilangguan; ni ang kanilang duraan sila, ni hambalusin sila, ni itaboy silang palabas ng kanilang mga sinagoga, ni pahirapan sila; ni ang kanilang pukulin sila ng mga bato, kundi ang magkaroon sila ng malayang pag-akyat sa kanilang mga tahanan, at gayon din sa kanilang mga templo, at kanilang mga santuwaryo.

Alma 23:3

Ang pahayag ay napapahintulot na ang salita ng Diyos ay maikalat ng walang sagabal.

At sa gayon sila makahahayo at makapangangaral ng salita alinsunod sa kanilang mga naisin, sapagkat ang hari ay nagbalik-loob sa Panginoon, at ang kanyang buong sambahayan; anupa’t ipinadala niya ang kanyang pahayag sa lahat ng dako ng lupain sa kanyang mga tao, upang ang salita ng Diyos ay hindi mahadlangan, bagkus ay lumaganap ito sa lahat ng dako ng buong lupain, upang ang kanyang mga tao ay mapaniwala hinggil sa masasamang kaugalian ng kanilang mga ama, at upang sila ay mapaniwala na silang lahat ay magkakapatid, at na hindi sila nararapat na pumaslang, ni mandambong, ni magnakaw, ni makiapid, ni ang gumawa ng ano mang uri ng kasamaan.