Ang Mga Gawaing Misyonero ni Aaron

Matagumpay na Pagtuturo

Alma 23:4–5

Ang mga misyonero ay humayo at nagtamasa ng malaking tagumpay sa kanilang pangangaral.

At ngayon ito ay nangyari na, nang ipadala ng hari ang pahayag na ito, na si Aaron at ang kanyang mga kapatid ay naglakbay nang lunsod sa lunsod, at mula sa isang tahanan ng pagsamba sa isa pa, nagtatatag ng mga simbahan, at nagtatalaga ng mga saserdote at guro sa lahat ng dako ng lupain sa mga Lamanita, upang ipangaral at ituro ang salita ng Diyos sa kanila; at sa gayon sila nagsimulang magtamo ng malaking tagumpay.

At libu-libo ang nadala sa kaalaman ng Panginoon, oo, libu-libo ang nadalang maniwala sa mga kaugalian ng mga Nephita; at itinuro sa kanila ang mga talaan at propesiyang ipinasa-pasa maging hanggang sa kasalukuyan.

Alma 23:6–7

Marami sa mga Lamanita ang nakarating sa kaalaman ng katotohanan.

At tunay na yamang buhay ang Panginoon, tunay na kasindami ng naniwala, o kasindami ng nadala sa kaalaman ng katotohanan, sa pamamagitan ng pangangaral ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, alinsunod sa diwa ng paghahayag at ng propesiya, at ng kapangyarihan ng Diyos na gumagawa ng mga himala sa kanila—oo, sinasabi ko sa inyo, yamang buhay ang Panginoon, kasindami ng mga Lamanita na naniwala sa kanilang pangangaral, at mga nagbalik-loob sa Panginoon, kailanman ay hindi nagsitalikod.

Sapagkat sila ay naging mabubuting tao; ibinaba nila ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik, na hindi na nila muli pang nilabanan ang Diyos, ni ang labanan ang sino man sa kanilang mga kapatid.

Alma 23:8–12

Ang mga mamamayan ng lunsod at lupain ng Ismael, Midoni, Nephi, Silom, Semlon, Lemuel, at Simnilom ay nagbalik-loob.

Ngayon, ito sila na mga nagbalik-loob sa Panginoon:
ang mga tao ng mga Lamanita na nasa lupain ng Ismael;

At gayon din ang mga tao ng mga Lamanita
na nasa lupain ng Midoni;

At gayon din ang mga tao ng mga Lamanita
na nasa lunsod ng Nephi;

At gayon din ang mga tao ng mga Lamanita
na nasa lupain ng Silom,
at nasa lupain ng Semlon,
at sa lunsod ng Lemuel,
at sa lunsod ng Simnilom.

Alma 23:13

Ang mga nagbalik-loob na mga Lamanita ay isinantabi ang kanilang sandatang pandigma.

At ito ang mga pangalan ng mga lunsod ng mga Lamanita na nagbalik-loob sa Panginoon; at ito sila na mga nagbaba ng mga sandata ng kanilang paghihimagsik, oo, lahat ng kanilang sandata ng digmaan; at lahat sila ay mga Lamanita.

Alma 23:14–15

Isang Amalekita lamang ang napabalik-loob; ang mga nalalabi ay nanatiling matitigas ang puso.

At ang mga Amalekita ay hindi nagbalik-loob, maliban sa isa; ni ang sino man sa mga Amulonita; sa halip pinatigas nila ang kanilang mga puso, at gayon din ang mga puso ng mga Lamanita sa bahaging yaon ng lupain saan man sila nanirahan, oo, at lahat ng kanilang nayon, at lahat ng kanilang lunsod. Anupa’t binanggit namin ang lahat ng lunsod ng mga Lamanita kung saan sila ay nangagsisi at dumating sa kaalaman ng katotohanan, at mga nagbalik-loob.

Alma 23:16

Ang hari ay naghangad na ang mga nagbalik-loob ay mabigyan ng pangalan upang makilala sila.

At ngayon ito ay nangyari na, na ang hari at yaong mga nagbalik-loob ay nagnais magkaroon ng pangalan, upang sila ay makilala mula sa kanilang mga kapatid; kaya nga, ang hari ay nakipagsanggunian kay Aaron at marami sa kanilang mga saserdote, hinggil sa pangalang tataglayin nila sa kanilang sarili, upang sila ay makilala.

Alma 23:17–18

Tinawag nila ang kanilang mga sarili sa pangalang "Anti-Nephi-Lehi"

At ito ay nangyari na, na tinawag nila ang kanilang pangalan na Anti-Nephi-Lehi; at sila ay tinawag sa pangalang ito at hindi na tinawag pang mga Lamanita. At sila ay nagsimulang maging napakasisipag na tao; oo, at sila ay naging magigiliw sa mga Nephita; anupa’t, sila ay nagbukas ng pakikipag-ugnayan sa kanila, at ang sumpa ng Diyos ay hindi na sila sinundan pa.