At ito ay nangyari na, na matapos ipaliwanag ni Aaron ang mga bagay na ito sa kanya, ay sinabi ng hari:
Ano ang nararapat kong gawin upang magkaroon ako nitong buhay na walang hanggan na sinabi mo? Oo, ano ang nararapat kong gawin upang isilang sa Diyos, nang ang masamang espiritung ito ay mabunot mula sa aking dibdib, at matanggap ang kanyang Espiritu, upang ako ay mapuspos ng galak, upang hindi ako maitakwil sa huling araw? Masdan, sinabi niya, tatalikuran ko ang lahat ng aking pag-aari, oo, tatalikuran ko ang aking kaharian, upang matanggap ko ang labis na kagalakang ito.
Subalit sinabi sa kanya ni Aaron:
Kung ninanais ninyo ang bagay na ito, kung kayo ay yuyukod sa harapan ng Diyos, oo, kung magsisisi kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan, at yuyukod sa harapan ng Diyos, at mananawagan sa kanyang pangalan nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, sa gayon inyong matatanggap ang pag-asang ninanais ninyo.
At ito ay nangyari na, nang sabihin ni Aaron ang mga salitang ito, na lumuhod ang hari sa harapan ng Panginoon, sa kanyang mga tuhod; oo, maging sa itinirapa niya ang kanyang sarili sa lupa, at nagsumamo nang taimtim, sinasabing:
O Diyos, sinabi sa akin ni Aaron
na may Diyos;
at kung may Diyos,
at kung kayo ay Diyos,
maaari bang ipakilala ninyo ang inyong sarili sa akin,
at tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo,
at upang magbangon ako mula sa pagkamatay,
at maligtas sa huling araw.
At ngayon, nang sabihin ng hari ang mga salitang ito, siya ay bumagsak na tila bagang siya’y patay na.
At ito ay nangyari na, na ang kanyang mga tagapagsilbi ay nagtakbuhan at sinabi sa reyna ang lahat ng nangyari sa hari. At siya ay nagtungo sa hari; at nang makita niyang nakahiga siya na tila bagang siya’y patay na, at gayon din si Aaron at ang kanyang mga kapatid na nakatindig na tila bagang sila ang dahilan ng kanyang pagbagsak, na siya ay nagalit sa kanila, at nag-utos sa kanyang mga tagapagsilbi, o sa mga tagapagsilbi ng hari, na dakpin sila at patayin sila.
Ngayon, nakita ng mga tagapagsilbi ang dahilan ng pagbagsak ng hari, kung kaya’t hindi sila nagtangkang ihawak ang kanilang mga kamay kay Aaron at sa kanyang mga kapatid; at sila ay nagmakaawa sa reyna, sinasabing:
Bakit nag-uutos kayong patayin namin ang mga taong ito, samantalang masdan, ang isa sa kanila ay higit na malakas kaysa sa aming lahat? Anupa’t kami ay babagsak sa kanilang harapan.
Ngayon, nang makita ng reyna ang takot ng mga tagapagsilbi, siya rin ay nagsimulang matakot nang labis, na baka may kung anong masamang mangyari sa kanya. At inutusan niya ang kanyang mga tagapagsilbi na magsihayo at tawagin ang mga tao, upang kanilang patayin si Aaron at ang kanyang mga kapatid.
Ngayon, nang makita ni Aaron ang matibay na hangarin ng reyna, siya, na nalalaman din ang katigasan ng mga puso ng mga tao, ay nangambang baka maraming tao ang sama-samang tipunin ang kanilang sarili, at magkaroon ng malaking alitan at kaguluhan sa kanila; kung kaya’t iniunat niya ang kanyang kamay at ibinangon ang hari mula sa lupa, at sinabi sa kanya:
Tumindig.
At siya ay tumindig sa kanyang mga paa, nanumbalik ang kanyang lakas. Ngayon, ito ay naganap sa harapan ng reyna at marami sa mga tagapagsilbi. At nang ito ay makita nila, sila ay labis na nanggilalas, at nagsimulang matakot. At tumindig ang hari, at nagsimulang mangaral sa kanila. At siya ay nangaral sa kanila, kung kaya nga’t ang buo niyang sambahayan ay nagbalik-loob sa Panginoon.
Ngayon maraming tao ang sama-samang nagtipon dahil sa utos ng reyna, at nagsimulang magkaroon ng malaking bulung-bulungan sa kanila dahil kay Aaron at sa kanyang mga kapatid.
Subalit tumindig ang hari sa kanila at nangaral sa kanila. At sila ay napapayapa kay Aaron at sa mga yaong kasama niya.
At ito ay nangyari na, nang makita ng hari na ang mga tao ay napapayapa, na pinatindig niya si Aaron at ang kanyang mga kapatid sa gitna ng maraming tao, at nang maipangaral nila ang salita sa kanila.