Si Alma at ang Kanyang Mga Tagasunod

Ang Paglipat sa Helam

Mosiah 18:34, 23:1

Si Alma ay napagbigyang-alam sa mga pangkat na ipinadala ni Noa upang hanapin siya; ipinaalam niya ito sa mga tao.

At ito ay nangyari na, na si Alma at ang mga tao ng Panginoon ay binigyang-babala tungkol sa pagdating ng hukbo ng hari; ...


Ngayon si Alma, na binalaan ng Panginoon na ang mga hukbo ni haring Noe ay sasalakay sa kanila, at ipinaalam ito sa kanyang mga tao,...

Mosiah 18:34–35, 23:1

Si Alma at ang mga tao ay nilisan ang lugar ng Mormon.

...kaya nga, kinuha nila ang kanilang mga tolda at ang kanilang mga mag-anak at lumisan patungo sa ilang. At sila ay may bilang na mga apat na raan at limampung katao.


...samakatwid, sama-samang tinipon nila ang kanilang mga kawan ng tupa, at dinala ang kanilang mga butil, at lumisan patungo sa ilang bago dumating ang mga hukbo ni haring Noe.

Mosiah 23:2–3

Sa lakas ng Panginoon, sila ay naglakbay sa loob ng walong araw.

At pinalakas sila ng Panginoon, upang ang mga tao ni haring Noe ay hindi makaabot sa kanila upang lipulin sila. At sila ay tumakas, walong araw na naglakbay patungo sa ilang.

Mosiah 23:4–5

Sila ay nakarating sa isang nakasisiyang lupain, at nagsimulang mamalagi rito.

At nakarating sila sa isang lupain, oo, maging sa isang napakaganda at nakasisiyang lupain, isang lupain ng dalisay na tubig. At nagtayo sila ng kanilang mga tolda, at nagsimulang magbungkal ng lupa, at nagsimulang magtayo ng mga gusali; oo, sila ay masisipag, at labis na nagpagal.

Mosiah 23:6

Si Alma ay napili ng kanyang mga tao na maging hari ng lupain.

At ang mga tao ay nagnais na si Alma ang kanilang maging hari, sapagkat siya ay minamahal ng kanyang mga tao.

Mosiah 23:7–15

Si Alma ay tumanggi, pinaalalahanan ang mga tao ng panganib ng mga hari, binabanggit si Noa bilang halimbawa.

Subalit sinabi niya sa kanila:

Masdan, hindi kapaki-pakinabang na magkaroon tayo ng hari; sapagkat ganito ang wika ng Panginoon:

‘Hindi ninyo nararapat na pahalagahan ang isang tao nang higit pa sa iba,
o ang isang tao ay hindi nararapat mag-isip na ang kanyang sarili ay higit pa kaysa sa iba;’

Kaya nga sinasabi ko sa inyo, hindi kapaki-pakinabang na magkaroon kayo ng hari.

Gayon pa man, kung maaari na magkakaroon kayo sa tuwina ng mga makatarungang tao na maging hari ninyo, ay makabubuti nga para sa inyo na magkaroon ng hari. Subalit alalahanin ang kasamaan ni haring Noe at ng kanyang mga saserdote; at ako rin ay nahulog sa bitag, at nakagawa ng maraming bagay na karumal-dumal sa paningin ng Panginoon, na naging dahilan ng aking masidhing pagsisisi;

Gayon pa man, matapos ang labis na pagdurusa, dininig ng Panginoon ang aking mga pagsusumamo, at tinugon ang aking mga panalangin, at ginawa akong kasangkapan sa kanyang mga kamay sa pagdadala nang marami sa inyo sa kaalaman ng kanyang katotohanan. Gayon pa man, sa mga ito ako ay hindi nagmamapuri, sapagkat ako ay hindi karapat-dapat na magmapuri sa aking sarili.

At ngayon sinasabi ko sa inyo, pinahirapan kayo ni haring Noe, at napaalipin sa kanya at sa kanyang mga saserdote, at kanilang nadala sa kasamaan; anupa’t kayo ay nagapos ng mga gapos ng kasamaan.

At ngayon, dahil sa kayo ay nakalaya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa pagkakagapos na ito; oo, maging mula sa mga kamay ni haring Noe at ng kanyang mga tao, at mula rin sa pagkakagapos ng kasamaan, gayon pa man, ninanais kong maging matatag kayo sa kalayaang ito kung saan kayo ginawang malaya, at na wala kayong pagtitiwalaang tao na maging hari ninyo. At gayon din, huwag pagkakatiwalaan ang sinuman na inyong maging guro ni inyong maging mangangaral, maliban sa siya ay tao ng Diyos, lumalakad sa kanyang mga landas at sinusunod ang kanyang mga kautusan.

Sa gayon tinuruan ni Alma ang kanyang mga tao, na ang bawat tao ay nararapat mahalin ang kanyang kapwa na tulad ng kanyang sarili, na hindi dapat magkaroon ng alitan sa kanila.

Mosiah 23:16–18

Si Alma sa halip ay naging mataas na saserdote, at maingat na nangalaga sa simbahan.

At ngayon, si Alma ang kanilang mataas na saserdote, siya na nagtatag ng kanilang simbahan. At ito ay nangyari na, na walang nakatanggap ng karapatang mangaral o magturo maliban sa ito ay sa pamamagitan niya na mula sa Diyos. Samakatwid, itinalaga niya ang lahat ng kanyang saserdote at lahat ng kanyang mga guro; at walang itinalaga maliban sa sila ay mga makatarungang tao.

Anupa’t pinangalagaan nila ang kanilang mga tao, at pinagyaman sila sa mga bagay na may kinalaman sa kabutihan.

Mosiah 23:19–20

Tinawag nila ang kanilang bagong tahanan na "Helam," at ang kanilang bagong komunidad.

At ito ay nangyari na, na nagsimula silang umunlad nang labis sa lupain; at kanilang tinawag na Helam ang lupain. At ito ay nangyari na, na dumami sila at labis na umunlad sa lupain ng Helam; at nagtayo sila ng isang lunsod, na tinawag nilang lunsod ng Helam.

Mosiah 23:21–24

Matinding mga pag-subok at mga paghihirap ay ipinahiwatig.

Gayon pa man, minarapat ng Panginoon na pahirapan ang kanyang mga tao; oo, sinusubukan niya ang kanilang tiyaga at kanilang pananampalataya. Gayon pa man—sinuman ang magbibigay ng kanyang tiwala sa kanya, siya rin ay dadakilain sa huling araw. Oo, at gayon din sa mga taong ito.

Sapagkat masdan, ipakikita ko sa inyo na dinala sila sa pagkaalipin, at walang makapagpapalaya sa kanila kundi ang Panginoon nilang Diyos, oo, maging ang Diyos nina Abraham at Isaac, at ni Jacob. At ito ay nangyari na, na kanyang pinalaya sila, at kanyang ipinakita ang dakila niyang kapangyarihan sa kanila, at labis ang kanilang mga kasiyahan.