Subalit sinabi niya sa kanila:
Masdan, hindi kapaki-pakinabang na magkaroon tayo ng hari; sapagkat ganito ang wika ng Panginoon:
‘Hindi ninyo nararapat na pahalagahan ang isang tao nang higit pa sa iba,
_o ang isang tao ay hindi nararapat mag-isip na ang kanyang sarili ay higit pa kaysa sa iba;’Kaya nga sinasabi ko sa inyo, hindi kapaki-pakinabang na magkaroon kayo ng hari.
Gayon pa man, kung maaari na magkakaroon kayo sa tuwina ng mga makatarungang tao na maging hari ninyo, ay makabubuti nga para sa inyo na magkaroon ng hari. Subalit alalahanin ang kasamaan ni haring Noe at ng kanyang mga saserdote; at ako rin ay nahulog sa bitag, at nakagawa ng maraming bagay na karumal-dumal sa paningin ng Panginoon, na naging dahilan ng aking masidhing pagsisisi;
Gayon pa man, matapos ang labis na pagdurusa, dininig ng Panginoon ang aking mga pagsusumamo, at tinugon ang aking mga panalangin, at ginawa akong kasangkapan sa kanyang mga kamay sa pagdadala nang marami sa inyo sa kaalaman ng kanyang katotohanan. Gayon pa man, sa mga ito ako ay hindi nagmamapuri, sapagkat ako ay hindi karapat-dapat na magmapuri sa aking sarili.
At ngayon sinasabi ko sa inyo, pinahirapan kayo ni haring Noe, at napaalipin sa kanya at sa kanyang mga saserdote, at kanilang nadala sa kasamaan; anupa’t kayo ay nagapos ng mga gapos ng kasamaan.
At ngayon, dahil sa kayo ay nakalaya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa pagkakagapos na ito; oo, maging mula sa mga kamay ni haring Noe at ng kanyang mga tao, at mula rin sa pagkakagapos ng kasamaan, gayon pa man, ninanais kong maging matatag kayo sa kalayaang ito kung saan kayo ginawang malaya, at na wala kayong pagtitiwalaang tao na maging hari ninyo. At gayon din, huwag pagkakatiwalaan ang sinuman na inyong maging guro ni inyong maging mangangaral, maliban sa siya ay tao ng Diyos, lumalakad sa kanyang mga landas at sinusunod ang kanyang mga kautusan.
Sa gayon tinuruan ni Alma ang kanyang mga tao, na ang bawat tao ay nararapat mahalin ang kanyang kapwa na tulad ng kanyang sarili, na hindi dapat magkaroon ng alitan sa kanila.