At ito ay nangyari na, na si Amalikeo ay humayong kasama ang kanyang mga hukbo (sapagkat nakamtan niya ang kanyang mga naisin) sa lupain ng Nephi, sa lunsod ng Nephi, na siyang punong lunsod.
At lumabas ang hari na kasama ang kanyang mga bantay upang salubungin siya, sapagkat inakala niya na natupad ni Amalikeo ang kanyang mga utos, at na nakapangalap si Amalikeo ng higit na malaking hukbo upang sumalakay laban sa mga Nephita sa pakikidigma.
Subalit masdan, habang lumalabas ang hari upang salubungin siya ay inutusan ni Amalikeo ang kanyang mga tagapagsilbi na humayo upang salubungin ang hari. At sila ay humayo at iniyukod nila ang sarili sa harapan ng hari, na parang binibigyang-galang siya dahil sa kanyang katungkulan.
At ito ay nangyari na, na iniunat ng hari ang kanyang kamay upang patayuin sila, tulad ng nakaugalian ng mga Lamanita, bilang tanda ng kapayapaan, kung aling kaugalian ay nakuha nila sa mga Nephita.
At ito ay nangyari na, nang patayuin niya ang una mula sa lupa, masdan, sinaksak niya ang hari sa puso; at siya ay nalugmok sa lupa.
Ngayon, ang mga tagapagsilbi ng hari ay nagpanakbuhan; at ang mga tagapagsilbi ni Amalikeo ay sumigaw, sinasabing:
Masdan, ang mga tagapagsilbi ng hari ay sinaksak siya sa puso, at siya ay namatay at nagsitakas sila; masdan, halina’t tingnan.
At ito ay nangyari na, na inutusan ni Amalikeo ang kanyang mga hukbo na humayo at tingnan kung ano ang nangyari sa hari; at nang sila ay makarating sa lugar, at natagpuang nakahiga ang hari sa kanyang sariling dugo, ay nagkunwaring galit si Amalikeo, at sinabi:
Kung sino man ang nagmamahal sa hari, humayo siya, at tugisin ang kanyang mga tagapagsilbi upang sila ay mapatay.
At ito ay nangyari na, na lahat silang nagmamahal sa hari, nang marinig nila ang mga salitang ito, ay nagsihayo at tinugis ang mga tagapagsilbi ng hari.
Ngayon, nang makita ng mga tagapagsilbi ng hari na may hukbong tumutugis sa kanila, ay muli silang natakot, at nagsitakas patungo sa ilang, at nagtungo sa lupain ng Zarahemla at nakiisa sa mga tao ni Ammon.
At ang hukbong tumutugis sa kanila ay nagsibalik, na nabigo sa pagtugis sa kanila; at sa gayon si Amalikeo, sa pamamagitan ng kanyang pandaraya, ay nakuha ang kalooban ng mga tao. At ito ay nangyari na, na kinabukasan siya ay pumasok sa lunsod ng Nephi na kasama ang kanyang mga hukbo, at inangkin ang lunsod.
At ngayon ito ay nangyari na, na ang reyna, nang marinig niya na napatay ang hari—sapagkat si Amalikeo ay nagpasugo ng mensahero sa reyna na ipinaaalam sa kanya na pinatay ang hari ng kanyang mga tagapagsilbi, na kanyang tinugis sila kasama ang kanyang hukbo, subalit ito ay nawalang-saysay, at nagawa nila ang kanilang pagtakas— Anupa’t nang matanggap ng reyna ang mensaheng ito na siya ay nagpasabi kay Amalikeo, hinihiling na huwag niyang kitlin ang buhay ng mga tao ng lunsod; at hiniling din niya sa kanya na siya ay magsadya sa kanya; at hiniling din niya sa kanya na magsama siya ng mga saksi na magpapatotoo hinggil sa pagkamatay ng hari.
At ito ay nangyari na, na isinama ni Amalikeo ang yaon ding tagapagsilbi na siyang pumatay sa hari, at lahat silang kasama niya, at humarap sa reyna, sa lugar kung saan siya nakaupo; at silang lahat ay nagpatotoo sa kanya na ang hari ay pinatay ng kanyang sariling mga tagapagsilbi; at sinabi rin nila:
Sila ay nagsitakas; hindi ba ito sumasaksi laban sa kanila?
At sa gayon napaniwala nila ang reyna hinggil sa kamatayan ng hari.
At ito ay nangyari na, na hinangad ni Amalikeo ang pagsang-ayon ng reyna, at pinakasalan siya para sa kanyang sarili upang maging asawa; at sa gayon sa pamamagitan ng kanyang pandaraya, at sa tulong ng kanyang mga tusong tagapagsilbi, ay nakuha niya ang kaharian; oo, siya ay kinilalang hari sa lahat ng dako ng buong lupain, sa lahat ng tao ng mga Lamanita, na binubuo ng mga Lamanita at ng mga Lemuelita at ng mga Ismaelita, at lahat ng tumiwalag sa mga Nephita, mula sa panunungkulan ni Nephi hanggang sa panahong kasalukuyan.
Ngayon, ang mga tumiwalag na ito, na may gayon ding tagubilin at gayon ding kaalaman na tulad sa mga Nephita, oo, na tinuruan sa gayon ding kaalaman tungkol sa Panginoon, gayon pa man, kamangha-mangha itong isalaysay, na di katagalan matapos ang kanilang mga pagtiwalag sila ay naging higit na matitigas at tumangging magsisi, at higit na mababangis, masasama at malulupit kaysa sa mga Lamanita—umiinom sa mga kaugalian ng mga Lamanita; nagpapaubaya sa katamaran, at lahat ng uri ng kahalayan; oo, ganap na nalimutan ang Panginoon nilang Diyos.