At ito ay nangyari na, nang maitatag nila ang isang simbahan sa lupaing yaon, na hiniling ni haring Lamoni na samahan siya ni Ammon sa lupain ng Nephi, upang kanyang maipakilala siya sa kanyang ama.
At ang tinig ng Panginoon ay nangusap kay Ammon, sinasabing:
Hindi ka aahon sa lupain ng Nephi, sapagkat masdan, pagtatangkaan ng hari ang iyong buhay; subalit magtungo ka sa lupain ng Midoni; sapagkat masdan, ang iyong kapatid na si Aaron, at gayon din si Muloki at Amma ay nasa bilangguan.
Ngayon ito ay nangyari na, nang ito ay marinig ni Ammon, sinabi niya kay Lamoni:
Masdan, ang aking kapatid at mga kapanalig ay nasa bilangguan sa Midoni,
at hahayo ako upang mapalaya ko sila.
Ngayon sinabi ni Lamoni kay Ammon:
Nalalaman ko, sa lakas ng Panginoon ay magagawa mo ang lahat ng bagay. Subalit masdan, ako ay sasama sa iyo sa lupain ng Midoni; sapagkat ang hari ng lupain ng Midoni, na ang pangalan ay Antiomno, ay aking kaibigan; kaya nga, ako ay magtutungo sa lupain ng Midoni, upang mahibok ko ang hari ng lupain, at palalabasin niya ang iyong mga kapatid mula sa bilangguan.
Ngayon sinabi ni Lamoni sa kanya:
Sino ang nagsabi sa iyo na ang iyong mga kapatid ay nasa bilangguan?
At sinabi ni Ammon sa kanya:
Walang sino mang nagsabi sa akin, maliban sa Diyos.
at sinabi niya sa akin—
‘Humayo at palayain ang iyong mga kapatid,
sapagkat sila ay nasa bilangguan
sa lupain ng Midoni.’
Ngayon, nang marinig ito ni Lamoni ay ipinahanda niya sa kanyang mga tagapagsilbi ang kanyang mga kabayo at kanyang mga karuwahe.
At sinabi niya kay Ammon:
Halina, sasama ako sa iyo sa lupain ng Midoni, at doon ako ay makikiusap sa hari na palabasin niya sa bilangguan ang iyong mga kapatid.