At ito ay nangyari na, na siya ay nagbantay sa higaan ng kanyang asawa mula noon maging hanggang sa kinabukasan na siyang itinakda ni Ammon na pagbangon niya.
At ito ay nangyari na, na siya ay bumangon, alinsunod sa mga salita ni Ammon; at nang siya ay bumangon, iniunat niya ang kanyang kamay sa babae, at nagsabi:
Purihin ang pangalan ng Diyos, at pagpalain ka. Sapagkat tunay na yamang ikaw ay buhay, masdan, nakita ko ang aking Manunubos; at siya ay paparito, at isisilang ng isang babae, at tutubusin niya ang buong sangkatauhan na naniniwala sa kanyang pangalan.
Ngayon, nang sabihin niya ang mga salitang ito, ay tumaba ang kanyang puso, at muli siyang nalugmok sa kagalakan; at ang reyna ay nalugmok din, na nadaig ng Espiritu.
Ngayon, nang makita ni Ammon na ibinuhos ang Espiritu ng Panginoon alinsunod sa kanyang mga panalangin sa mga Lamanita, na kanyang mga kapatid, na naging dahilan ng labis na pagdadalamhati ng mga Nephita, o sa lahat ng tao ng Diyos dahil sa kanilang mga kasamaan at kanilang mga kaugalian, siya ay napaluhod sa kanyang mga tuhod, at nagsimulang ibuhos ang kanyang kaluluwa sa panalangin at pasasalamat sa Diyos dahil sa ginawa niya para sa kanyang mga kapatid; at siya rin ay nadaig sa kagalakan; at sa gayon nalugmok lahat silang tatlo sa lupa.
Ngayon, nang makita ng mga tagapagsilbi ng hari na nalugmok sila, na nagsimula rin silang magsumamo sa Diyos, sapagkat ang takot sa Panginoon ay nanaig din sa kanila, sapagkat sila yaong tumindig sa harapan ng hari at nagpatotoo sa kanya hinggil sa kahanga-hangang lakas ni Ammon.
At ito ay nangyari na, na sila ay nanawagan sa pangalan ng Panginoon, sa kanilang lakas, maging hanggang sa silang lahat ay nalugmok sa lupa, maliban sa isa sa kababaihang Lamanita, na Abis ang pangalan, siya na nagbalik-loob na sa Panginoon ng maraming taon, dahil sa isang kahanga-hangang pangitain ng kanyang ama—