Ang Misyon ng Mga Anak ni Mosias sa Mga Lamanita

Paghihimagsik, Paglusob at Pagbabalik-loob ng Mga Hindi Naniniwalang Mamamayan

Alma 24:20

Ang mga hindi nagbalik-loob na mga Lamanita ay bumuo ng himagsikan laban sa nagbalik-loob na hari at kanyang mga tagasunod.

At ito ay nangyari na, na ang kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita, ay naghanda para sa digmaan, at sumalakay sa lupain ng Nephi sa layuning patayin ang hari, at maglagay ng ibang kahalili niya, at lipulin din ang mga tao ni Anti-Nephi-Lehi sa lupain.

Alma 24:21–22

Ang mga nagbalik-loob, na gumawa ng isang sumpa na hindi na lalaban, ay walang labang nagpatirapa sa lupa at pinagpapatay ng mga naghihimagsik.

Ngayon, nang makita ng mga taong sumasalakay sila laban sa kanila ay lumabas sila at kanilang sinalubong sila, at itinirapa ang kanilang sarili sa lupa sa kanilang mga harapan, at nagsimulang manawagan sa pangalan ng Panginoon; at nasa gayon silang pagkakaayos nang magsimulang salakayin sila ng mga Lamanita, at nagsimulang patayin sila sa pamamagitan ng espada.

At sa gayon walang anumang nakaharap na panlalaban, napatay nila ang isanlibo at lima sa kanila; at nalalaman nating sila ay pinagpala, sapagkat sila ay lumisan upang manahanang kasama ang kanilang Diyos.

Alma 24:23–24

Maraming mga nahihimagsik na mga sundalo, nang makita kung paanong ang mga naniniwala ay isinakripisyo ang kanilang sarili na hindi lumalaban, ay lubos na nahabag, at itinigil ang pagpatay.

Ngayon, nang makita ng mga Lamanita na ang kanilang mga kapatid ay hindi magsisitakas sa espada, ni ang bumaling sila sa kanang kamay o sa kaliwa, kundi ang sila ay mahiga at masawi, at purihin ang Diyos maging sa yaon ding gawa ng kasawian sa ilalim ng espada—

Ngayon, nang makita ito ng mga Lamanita sila ay nagpigil sa pagpatay sa kanila; at marami sa kanila na ang mga puso ay nasugatan para sa kanilang mga kapatid na yaon na nangamatay sa ilalim ng espada, sapagkat sila ay nagsisi sa mga bagay na nagawa nila.

Alma 24:25

Binabagabag ng kanilang kunsensiya sa kanilang walang awang gawaing pandigma, ang mga sundalo ay nagsisi, at nagpasyang makisama sa mga nagsipagbalik-loob.

At ito ay nangyari na, na itinapon nila ang kanilang mga sandata ng digmaan, at tumangging kuning muli ang mga ito, sapagkat sila ay nagdalamhati sa mga pagpaslang na nagawa nila; at sila ay nagsihiga maging katulad ng kanilang mga kapatid, umaasa sa awa ng mga yaong ang mga bisig ay nakataas upang sila ay patayin.

Alma 24:26–27

Higit sa isanlibong sundalo ang sumunod din, at ang bilang ng mga sundalong nagsipagbalik-loob ay humigit sa bilang ng mga namatay.

At ito ay nangyari na, na ang mga tao ng Diyos ay naragdagan nang araw na yaon nang higit pa sa bilang ng mga napatay; at yaong mga napatay ay mabubuting tao, kaya nga wala tayong dahilan upang mag-alinlangan na sila ay hindi naligtas.

At wala ni isang masamang tao ang napatay sa kanila; subalit may mahigit sa isanlibo ang nadala sa kaalaman ng katotohanan; sa gayon nakikita natin na ang Panginoon ay gumagawa ng maraming paraan para sa kaligtasan ng kanyang mga tao.

Alma 24:28–30

Ang pinaka-matitigas na mga mandirigma ay ang mga Amalekita at mga Amulonita (mga nagsipag-aklas na Nephita) na hindi umanib sa mga nagsipagbalik-loob.

Ngayon, ang pinakamalaking bilang ng mga yaong Lamanita na pumatay sa napakarami sa kanilang mga kapatid ay mga Amalekita at Amulonita, ang pinakamalaking bilang sa kanila ay alinsunod sa orden ng mga Nehor. Ngayon, sa mga yaong sumapi sa mga tao ng Panginoon, ay walang mga Amalekita o Amulonita, o mga nasa orden ni Nehor, kundi sila ay mga tunay na inapo nina Laman at Lemuel.

At sa gayon malinaw nating nakikita na matapos ang mga tao ay minsan nang naliwanagan ng Espiritu ng Diyos, at nagkaroon ng maraming kaalaman sa mga bagay na nauukol sa kabutihan, at pagkatapos ay nahulog sa kasalanan at paglabag, sila ay nagiging higit na matitigas, at sa gayon ang kanilang kalagayan ay nagiging lalong masama kaysa sa kung hindi nila nalaman kailanman ang mga bagay na ito.