At ako rin ang siyang nagtago ng talaang ito ayon sa Panginoon; ang mga laminang yaon ay walang halaga, dahil sa kautusan ng Panginoon. Sapagkat tunay na kanyang sinabi na walang sinumang makakukuha nito upang makinabang; ngunit ang nakatala roon ay malaki ang kahalagahan; at sinuman ang magdadala nito sa liwanag, siya ay pagpapalain ng Panginoon. Sapagkat walang sinumang magkakaroon ng kapangyarihan na madala iyon sa liwanag maliban kung iyon ay ibinigay sa kanya ng Diyos; sapagkat niloloob ng Diyos na iyon ay mangyayari na ang mata ay nakatuon sa kanyang kaluwalhatian, o sa kapakanan ng mga sinauna at malaon nang naikalat na mga taong pinagtipanan ng Panginoon.