Gayon pa man, hindi nito nawakasan ang paglaganap ng huwad na pagkasaserdote sa lupain; sapagkat marami ang nagmamahal sa mga bagay na walang kabuluhan ng daigdig, at humayo silang nangangaral ng mga maling doktrina; at ito ay ginawa nila dahil sa mga kayamanan at karangalan.
Gayon pa man, hindi sila nangahas na magsinungaling, kung ito ay malalaman, dahil sa takot sa batas, sapagkat ang mga sinungaling ay pinarurusahan; anupa’t sila ay nagkunwaring ipinangangaral ang naaayon sa kanilang paniniwala; at ngayon, ang batas ay walang kapangyarihan sa sino mang tao dahil sa kanyang paniniwala. At hindi sila nangahas na magnakaw, dahil sa takot sa batas, sapagkat ang gayon ay pinarurusahan; ni ang mangahas silang manloob, ni pumaslang, sapagkat siya na pumapaslang ay pinarurusahan hanggang kamatayan.