At ito ay nangyari na, na hiniling ng mga hukom na dalhin sila; at sila ay dinala, at masdan, sila ang yaong limang isinugo; at masdan, ang mga hukom ay nagtanong sa kanila hinggil sa bagay na yaon, at sinabi nila ang lahat ng ginawa nila, sinasabing:
Kami ay tumakbo at nakarating sa lugar ng hukumang-luklukan, at nang makita namin ang lahat ng bagay maging tulad ng pinatototohanan ni Nephi, kami ay nanggilalas kung kaya nga’t kami ay bumagsak sa lupa; at nang kami ay makabawi mula sa aming panggigilalas, masdan, itinapon nila kami sa bilangguan. Ngayon, hinggil sa pagpaslang sa taong ito, hindi namin nalalaman kung sino ang may gawa nito; at ito lamang ang nalalaman namin, kami ay tumakbo at nagtungo alinsunod sa inyong kahilingan, at masdan, siya ay patay na, alinsunod sa mga salita ni Nephi.