At ngayon ito ay nangyari na, na sang-ayon sa aming talaan, at alam namin na ang aming talaan ay totoo, sapagkat masdan, isang matwid na tao ang nag-ingat ng talaan—sapagkat tunay na siya ay gumawa ng maraming himala sa pangalan ni Jesus; at walang sinumang tao ang makagagawa ng himala sa pangalan ni Jesus maliban kung siya ay malinis sa bawat kaliit-liitang kasamaan niya—
At ngayon ito ay nangyari na, na kung walang nagawang pagkakamali ang taong ito sa pagbilang ng aming panahon, ang ikatatlumpu at tatlong taon ay nakalipas na; At ang mga tao ay nagsimulang umasa nang buong taimtim sa mga palatandaang ibinigay ng propetang si Samuel, ang Lamanita, oo, sa panahong magkakaroon ng kadiliman sa loob ng tatlong araw sa ibabaw ng lupain. At nagsimulang magkaroon ng malaking pag-aalinlangan at pagtatalo sa mga tao, sa kabila ng maraming palatandaang naibigay na.