Makinig at masdan ito, O sambahayan ni Jacob,
na tinatawag sa pangalang Israel,
at nagsilabas mula sa mga bukal ng Juda,
(o mula sa mga tubig ng pagbibinyag),
Na nagsisumpa sa pangalan ng Panginoon,
at nagsibanggit ng Diyos ng Israel,
datapwat hindi sila nagsisumpa sa katotohanan ni sa katwiran.
Gayon pa man, tinatawag nila ang kanilang sarili alinsunod sa pangalan ng banal na lunsod,
subalit hindi sila nanalig sa Diyos ng Israel,
na Panginoon ng mga Hukbo;
oo, ang Panginoon ng mga Hukbo ang kanyang pangalan.
Masdan, aking ipinahayag ang mga dating bagay mula noong una;
at yaon ay lumabas mula sa aking bibig, at aking ipinakilala sila.
Bigla kong ipinakita sila.
At ginawa ko ito dahil sa nalalaman ko na ikaw ay mapagmatigas,
at ang iyong leeg ay parang litid na bakal,
at ang iyong noo ay parang tanso.
Kaya’t aking ipinahayag sa iyo mula pa noong una;
bago ito nangyari ay ipinakita ko na ang mga yaon sa iyo;
At ipinakita ko ang mga yaon dahil sa pangambang baka iyong sabihin—
Ginawa ito ng aking mga diyus-diyusan,
at ng aking nililok na larawan,
at ang aking larawang binubo ang siyang nag-utos niyaon.