At ito ay nangyari na, na siya ay naging masunurin sa salita ng Panginoon, anupa’t siya ay sumunod gaya ng ipinag-utos ng Panginoon sa kanya. At ito ay nangyari na, na siya ay lumisan patungo sa ilang. At iniwan niya ang kanyang tahanan, at ang lupaing kanyang mana, at ang kanyang ginto, at ang kanyang pilak, at ang kanyang mahahalagang bagay, at wala siyang dinala maliban sa kanyang mag-anak, at mga panustos, at mga tolda, at lumisan patungo sa ilang.
At siya ay naglakbay sa may mga hangganan na malapit sa dalampasigan ng Dagat na Pula; at siya ay naglakbay sa ilang sa mga hangganang mas malapit sa Dagat na Pula; at siya ay naglakbay sa ilang kasama ang kanyang mag-anak, na binubuo ng aking ina, si Saria, at ng mga nakatatanda kong kapatid na sina Laman, Lemuel, at Sam.