At ngayon, ito ang mga salitang ninais marinig ni haring Benjamin mula sa kanila; at samakatwid, kanyang sinabi sa kanila:
Inyong sinabi ang mga salitang aking nais na marinig; at ang tipang inyong ginawa ay isang mabuting tipan. At ngayon, dahil sa tipang inyong ginawa kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae; sapagkat masdan, sa araw na ito kayo ay kanyang espirituwal na isinilang; sapagkat sinasabi ninyo na ang inyong mga puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; anupa’t kayo ay isinilang sa kanya at naging kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae.
At sa ilalim ng pangalang ito, kayo ay ginawang malaya, at walang ibang pangalan kung saan kayo ay kayang gawing malaya. Walang ibang pangalang ibinigay kung saan ang kaligtasan ay darating; kaya nga, nais kong taglayin ninyo ang pangalan ni Cristo, kayong lahat na nakipagtipan sa Diyos, na kayo ay maging masunurin hanggang sa wakas ng inyong mga buhay.
At ito ay mangyayari na sinuman ang gagawa nito ay matatagpuan sa kanang kamay ng Diyos, sapagkat malalaman niya ang pangalang itatawag sa kanya; sapagkat siya ay tatawagin sa pangalan ni Cristo.
At ngayon, ito ay mangyayari na sinuman ang hindi magtataglay ng pangalan ni Cristo sa kanyang sarili ay tatawagin sa ibang pangalan; anupa’t matatagpuan niya ang sarili sa kaliwang kamay ng Diyos.
At nais kong inyo ring pakatandaan, na ito ang pangalang sinabi ko na aking ibibigay sa inyo na hindi kailanman mabubura, maliban na lamang kung dahil sa kasalanan; kaya nga, ingatan ninyo na hindi kayo magkasala, nang ang pangalan ay hindi mabura sa inyong mga puso.
Sinasabi ko sa inyo, nais kong inyong pakatandaan na panatilihing laging nakasulat ang pangalan sa inyong mga puso, nang kayo ay hindi matagpuan sa kaliwang kamay ng Diyos, kundi ang inyong marinig at makilala ang tinig ng tatawag sa inyo, at gayundin, ang pangalang kanyang itatawag sa inyo.
Sapagkat paano makikilala ng isang tao ang panginoon na hindi niya pinaglingkuran, at kung sino ay dayuhan sa kanya, at malayo sa pag-iisip at mga hangarin ng kanyang puso?
At muli, kinukuha ba ng isang tao ang asno na pag-aari ng kanyang kapitbahay, at itatago ito? Sinasabi ko sa inyo, Hindi; ni hindi niya pahihintulutan na pakainin ito sa kanyang mga kawan, kundi ito ay kanyang itataboy, at iwawaksi sa labas. Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang mangyayari sa inyo kung hindi ninyo nalalaman ang pangalang itatawag sa inyo.
Sa gayon, nais kong kayo ay maging matatag at huwag matitinag, laging nananagana sa mabubuting gawa, upang si Cristo, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan, ay matatakan kayong kanya, upang kayo ay madala sa langit, upang kayo ay magkaroon ng walang hanggang kaligtasan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng karunungan, at kapangyarihan, at katarungan, at awa niya na lumikha sa lahat ng bagay na nasa langit at sa lupa, na siyang Diyos ng lahat. Amen.