Ang Talumpati ni Haring Benjamin

Paniniwala sa Diyos

Mosiah 4:9

Maniwala sa Diyos, sa kanyang kapangyarihan, at sa kanyang karunungan.

Maniwala sa Diyos; maniwala na siya nga, at na siya ang lumikha ng lahat ng bagay, kapwa sa langit at sa lupa; maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa; maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon.

Mosiah 4:10

Magsisi at talikuran ang inyong mga kasalanan.

At muli, maniwala na kayo ay kinakailangang magsisi ng inyong mga kasalanan at talikdan ang mga ito, at magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Diyos; at humingi nang taos sa puso nang kayo ay kanyang patawarin; at ngayon, kung kayo ay naniniwala sa lahat ng bagay na ito, tiyaking ito ay inyong gagawin.

Mosiah 4:11

Makibahagi sa pag-ibig ng Diyos, at tumanggap ng kapatawaran sa inyong mga kasalanan.

At muli, sinasabi ko sa inyo gaya ng sinabi ko noon, sapagkat kayo ay dumating sa kaalaman ng kaluwalhatian ng Diyos, o kung napag-alaman ninyo ang kanyang kabutihan at natikman ang kanyang pag-ibig, at nakatanggap ng kapatawaran ng inyong mga kasalanan, na nagiging dahilan ng labis na malaking kagalakan sa inyong mga kaluluwa, gayundin nais kong inyong pakatandaan, at laging panatilihin sa inyong alaala ang kadakilaan ng Diyos, at ang inyong sariling kawalang-kabuluhan, at ang kanyang kabutihan, at mahabang pagtitiis sa inyo, na mga di karapat-dapat na nilikha, at magpakumbaba ng inyong sarili maging sa kailaliman ng pagpapakumbaba, nananawagan sa pangalan ng Panginoon sa araw-araw, at matatag na naninindigan sa pananampalataya sa kanya na paparito, na sinabi ng bibig ng anghel.

Mosiah 4:12

Mapuspos ng pag-ibig ng Diyos, at panatilihin ang kapatawaran sa inyong mga kasalanan.

At masdan, sinasabi ko sa inyo na kung ito ay inyong gagawin kayo ay laging magsasaya, at mapupuspos ng pag-ibig ng Diyos, at laging mananatili ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan; at kayo ay uunlad sa kaalaman ng kaluwalhatian niya na lumikha sa inyo, o sa kaalaman ng yaong makatarungan at totoo.

Mosiah 4:13

Mamuhay sa kapayapaan.

At hindi kayo maglalayong saktan ang isa’t isa, kundi ang mabuhay nang mapayapa, at ibigay sa bawat tao ang alinsunod sa nararapat sa kanya.

Mosiah 4:14

Mangalaga sa inyong mga anak at turuan sila na iwasan ang pagtatalo-talo.

At hindi ninyo pahihintulutan ang inyong mga anak na sila ay magutom, o maging hubad; ni hindi ninyo ipahihintulot na sila ay lumabag sa mga batas ng Diyos, at makipaglaban at makipag-away sa isa’t isa, at magsilbi sa diyablo, na siyang panginoon ng kasalanan, o siyang masamang espiritu na sinabi ng ating mga ama, siya na isang kaaway ng lahat ng kabutihan.

Mosiah 4:15

Turuan sila na lumakad sa katotohanan, at magmahal.

Kundi tuturuan ninyo silang lumakad sa mga daan ng katotohanan at kahinahunan; tuturuan ninyo silang mahalin ang isa’t isa, at paglingkuran ang isa’t isa.