At ngayon, mga kapatid ko, nais kong gawin ninyo ang gaya ng ginawa na ninyo. Gaya ng inyong pagsunod sa mga kautusan ko, at gayundin sa mga kautusan ng aking ama, at umunlad, at naiadya mula sa pagkahulog sa mga kamay ng inyong mga kaaway, gayundin kung inyong susundin ang mga kautusan ng aking anak, o ang mga kautusan ng Diyos na ibibigay sa inyo sa pamamagitan niya, kayo ay uunlad sa lupain, at ang inyong mga kaaway ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo.
Ngunit, o aking mga tao, mag-ingat kayo, na baka magkaroon ng mga pagtatalo sa inyo, at inyong piliing sundin ang masamang espiritu, na siyang sinabi ng aking amang si Mosias.
Sapagkat masdan, may isang kapighatiang igagawad sa kanya na pumiling sumunod sa espiritung yaon; sapagkat kung pinili niyang sumunod sa kanya, at mananatili at mamamatay sa kanyang mga kasalanan, siya rin ay umiinom ng kapahamakan sa kanyang sariling kaluluwa; sapagkat siya ay tatanggap bilang kanyang kabayaran ng isang walang hanggang kaparusahan, sapagkat lumabag sa batas ng Diyos, na salungat sa kanyang sariling kaalaman.
Sinasabi ko sa inyo na walang sinuman sa inyo, maliban sa inyong maliliit na anak ang hindi pa naturuan hinggil sa mga bagay na ito, subalit sa inyong nakaaalam, nalalaman ninyo na kayo ay may walang hanggang pagkakautang sa inyong Ama sa Langit, upang ibigay sa kanya ang lahat ng nasa inyo at ang inyong sarili; at naturuan din hinggil sa mga talaang naglalaman ng mga propesiyang winika ng mga banal na propeta, magbuhat pa sa panahong ang ating amang si Lehi ay lumisan sa Jerusalem;
At gayundin, ang lahat ng sinabi ng ating mga ama hanggang sa ngayon. At masdan, gayundin, sinabi nila ang mga iniutos sa kanila ng Panginoon; samakatwid, ang mga yaon ay makatarungan at totoo.
At ngayon, sinasabi ko sa inyo, mga kapatid ko, na matapos na inyong malaman at maturuan ng lahat ng bagay na ito, kung kayo ay lalabag at sasalungat doon sa mga sinabi na, ay inilalayo ninyo ang sarili sa Espiritu ng Panginoon, upang yaon ay mawalan ng puwang sa inyo na kayo ay patnubayan sa mga landas ng karunungan nang kayo ay pagpalain, paunlarin, at pangalagaan—
Sinasabi ko sa inyo, na ang taong gumagawa nito, siya rin ay hayagang naghihimagsik laban sa Diyos; anupa’t kanyang piniling sundin ang masamang espiritu, at naging isang kaaway ng lahat ng kabutihan; kaya nga, ang Panginoon ay walang puwang sa kanya, sapagkat siya ay hindi nananahan sa mga hindi banal na templo.
Samakatwid kung ang taong yaon ay hindi magsisisi, at mananatili at mamamatay na isang kaaway ng Diyos, ang hinihingi ng banal na katarungan ang gigising sa kanyang walang kamatayang kaluluwa sa isang buhay na damdamin ng kanyang sariling kasalanan, na siyang magiging dahilan upang siya ay manliit sa harapan ng Panginoon, at pupuno sa kanyang dibdib ng kasalanan, at kirot, at pagdurusa na katulad ng isang di maapulang apoy, na ang ningas ay pumapailanglang magpakailanman at walang katapusan.
At ngayon sinasabi ko sa inyo, na ang awa ay hindi makaaangkin sa taong yaon; kaya nga, ang kanyang pangwakas na kahatulan ay magtiis ng isang walang katapusang pagdurusa.
O, lahat kayong matatandang lalaki, at gayundin kayong mga kabataang lalaki, at kayong maliliit na bata na nakauunawa ng aking mga salita, sapagkat maliwanag akong nangusap sa inyo upang kayo’y makaunawa, ako ay dumadalangin na kayo ay magising sa isang pag-alaala sa kakila-kilabot na kalagayan ng mga yaong nangahulog sa paglabag.
At bukod dito, ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan. O tandaan, tandaan na ang mga bagay na ito ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang siyang nagsabi ng mga ito.