At ngayon, ito ay nangyari na, nang si haring Benjamin ay matapos sa pangungusap sa mga salitang ibinigay sa kanya ng anghel ng Panginoon, ay iginala niya ang kanyang mga paningin sa maraming tao, at masdan, sila ay nangapalugmok sa lupa, sapagkat ang pagkatakot sa Panginoon ay nanaig sa kanila.
At nakita nila ang sarili sa kanilang makamundong kalagayan, maging higit na mababa kaysa sa alabok ng lupa. At silang lahat ay sumigaw nang malakas sa iisang tinig, sinasabing:
O maawa, at gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang kami ay makatanggap ng kapatawaran ng aming mga kasalanan, at ang aming mga puso ay maging dalisay; sapagkat kami ay naniniwala kay Jesucristo, na Anak ng Diyos, na siyang lumikha ng langit at lupa, at lahat ng bagay; na siyang bababa sa mga anak ng tao.
At ito ay nangyari na, na matapos na kanilang sabihin ang mga salitang ito, ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanila, at sila ay napuspos ng kagalakan, sa pagkatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi dahil sa labis na pananampalataya nila kay Jesucristo na paparito, ayon sa mga salitang sinabi ni haring Benjamin sa kanila.