At ito ang mga salitang kanyang sinabi, at pinapangyaring isulat, sinasabing:
Aking mga kapatid, kayong lahat na sama-samang nagtipon ng inyong sarili, kayong nakaririnig ng aking mga salita na sasabihin ko sa inyo sa araw na ito; sapagkat hindi ko kayo inutusang magtungo rito upang paglaruan ang mga salitang aking sasabihin, kundi upang kayo ay makinig sa akin, at buksan ang inyong mga tainga upang kayo’y makarinig, at ang inyong mga puso upang kayo ay makaunawa, at ang inyong mga isipan upang ang mga hiwaga ng Diyos ay mabuksan sa inyong mga pananaw.
Hindi ko kayo inutusang magtungo rito upang kayo ay matakot sa akin, o upang inyong isipin na ako sa aking sarili ay higit sa isang mortal na tao.
Kundi ako ay katulad din ng inyong sarili, saklaw ng lahat ng uri ng mga sakit sa katawan at isipan; gayunman ako ay pinili ng mga taong ito, at itinalaga ng aking ama, at pinahintulutan ng kamay ng Panginoon na ako ay maging isang pinuno at isang hari sa mga taong ito; at inaruga at pinangalagaan ng kanyang walang kapantay na kapangyarihan upang paglingkuran kayo nang buo kong kapangyarihan, isipan at lakas na ipinagkaloob sa akin ng Panginoon.
Sinasabi ko sa inyo na sapagkat ako ay pinahintulutang gugulin ang aking panahon sa paglilingkod sa inyo, maging hanggang sa ngayon, at hindi ako naghangad ng ginto o pilak o anumang uri ng inyong kayamanan;
Ni hindi ko pinahintulutan na kayo ay makulong sa mga bartolina, ni alipinin ninyo ang isa’t isa, ni ang kayo ay pumaslang, o mandambong, o magnakaw, o makiapid; ni hindi ko pinahintulutan na kayo’y gumawa ng anumang uri ng kasamaan at tinuruan ko kayo na nararapat ninyong sundin ang mga kautusan ng Panginoon sa lahat ng bagay na kanyang iniutos sa inyo—
At maging ako, sa aking sarili, ay gumawa sa pamamagitan ng sarili kong mga kamay upang kayo ay aking mapaglingkuran, at upang kayo ay hindi mabigatan sa mga buwis, at upang walang anumang bagay na ipataw sa inyo na mabigat dalhin—at sa lahat ng bagay na ito na aking sinabi, kayo na rin sa inyong sarili ang mga saksi sa araw na ito.