Ang Talumpati ni Haring Benjamin

Kapatawaran sa Mga Kasalanan

Mosiah 4:16

Tulungan ang mga yaong nangangailangan.

At gayundin, kayo na rin sa inyong sarili ay tutulong sa kanila na nangangailangan ng inyong tulong; ibabahagi ninyo ang inyong kabuhayan sa kanya na nangangailangan; at hindi ninyo pahihintulutan na ang kahilingan ng pulubi sa inyo ay mawalan ng saysay, at ipagtabuyan siya upang masawi.

Mosiah 4:17

Maaring ikaw ay matuksong sabihin na ang mahihirap ay nagdala sa kanilang mga sarili ng kapightian.

Marahil inyong sasabihin:

Ang tao ang nagdala sa kanyang sarili ng kanyang kalungkutan;
kaya nga pipigilin ko ang aking kamay,
at hindi ibibigay sa kanya ang aking pagkain,
o ibabahagi sa kanya ang aking kabuhayan nang hindi siya maghirap,
sapagkat ang kanyang mga kaparusahan ay makatarungan—

Mosiah 4:18

Ang kaugaliang ito ay nangangailangan ng matinding pagsisisi.

Ngunit sinasabi ko sa inyo, o mga tao, sinuman ang gumawa nito siya rin ay may malaking dahilan upang magsisi; at maliban sa siya ay magsisi roon sa kanyang ginawa, siya ay masasawi magpakailanman, at walang puwang sa kaharian ng Diyos.

Mosiah 4:19

Tayo bang lahat ay hindi mga pulubi? Lahat tayo ay umaasa sa mga biyaya ng Diyos.

Sapagkat masdan, hindi ba’t tayong lahat ay mga pulubi? Hindi ba’t tayong lahat ay umaasa sa iisang Katauhan, maging sa Diyos, sa lahat ng kabuhayan na nasa atin, kapwa sa pagkain at kasuotan, at sa ginto, at sa pilak, at sa bawat uri ng lahat ng kayamanan na nasa atin?

Mosiah 4:20

Ang Espiritu ay nagdala ng kaligayan sa mga yaong nagsisi.

At masdan, maging sa sandaling ito, kayo ay nananawagan sa kanyang pangalan, at nagsusumamo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan. At pinahintulutan ba niya na ang inyong pagsusumamo ay mawalan ng saysay? Hindi; kanyang ibinuhos ang kanyang Espiritu sa inyo, at pinapangyari na ang inyong mga puso ay mapuspos ng galak, at pinapangyari na ang inyong mga bibig ay pigilin upang kayo ay hindi makapagsalita, sadyang labis-labis ang inyong kagalakan.

Mosiah 4:21

Nararapat nating ibahagi ang ating kabuhayan sa isa’t isa, sapagkat tayong lahat ay may utang na loob sa Diyos para sa ating buhay at pag-iral.

At ngayon, kung ang Diyos na lumikha sa inyo, kung kanino kayo ay umaasa para sa inyong mga buhay at para sa lahat ng nasasainyo at kakailanganin ninyo, na nagbibigay sa inyo ng anumang inyong hinihiling na tama, nang may pananampalataya, naniniwala na kayo ay makatatanggap, O kung gayon, higit kayong nararapat na magbahagi ng inyong kabuhayan na mayroon kayo sa isa’t isa.

Mosiah 4:22

Sila na mga makasarili sa yaong mga nangangailangan ay siya ring hahatulan sa huling paghuhukom.

At kung hahatulan ninyo ang taong humihingi sa inyo ng inyong kabuhayan upang siya ay hindi masawi, at hatulan siya, gaano higit na makatarungan ang inyong magiging kahatulan dahil sa pagkakait ninyo ng inyong kabuhayan, kung alin ay hindi ninyo pag-aari, kundi sa Diyos, kung sino ay siya ring nagmamay-ari ng inyong buhay; at gayon pa man, hindi kayo humihingi, ni nagsisisi sa mga bagay na inyong nagawa.

Mosiah 4:23

Ang kabuhayan ay mawawalang kasama ng mga tao.

Sinasabi ko sa inyo, sa aba sa taong yaon, sapagkat ang kanyang kabuhayan ay mawawalang kasama niya; at ngayon, sinasabi ko ang mga bagay na ito sa yaong mayayaman ukol sa mga bagay ng daigdig na ito.

Mosiah 4:24

Sila na mahihirap ay maaring walang mapagkukunan upang tulungan ang iba pang mahihirap na tao, subalit ang kaugalian at ang pagnanais na magbahagi ang pinaka-mahalaga.

At muli, sinasabi ko sa mga maralita, kayo na wala at gayon pa man ay may sapat, na kayo ay magpatuloy sa araw-araw; ang tinutukoy ko ay kayong lahat na nagkait sa mga pulubi, sapagkat kayo ay wala; nais kong sabihin ninyo sa inyong mga puso na: Hindi ako nagbigay sapagkat ako ay wala, ngunit kung ako ay mayroon ako ay magbibigay.

Mosiah 4:25

Sa pagkakaroon lamang ng kaugaliang ito ay makapagaalis na ng inyong mga sala, kung kayo ay hindi magiimbot ng mga yaong hindi inyo.

At ngayon, kung ito ay sasabihin ninyo sa inyong mga puso, kayo ay mananatiling walang sala, kung hindi, kayo ay susumpain; at ang hatol sa inyo ay makatarungan sapagkat kayo ay nagnanasa sa hindi ninyo tinanggap.

Mosiah 4:26

Panatilihin ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga mahihirap.

At ngayon, alang-alang sa mga bagay na ito na aking sinabi sa inyo—na, alang-alang sa pananatili ng kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa araw-araw, upang kayo ay makalakad nang walang kasalanan sa harapan ng Diyos—nais kong ibahagi ninyo ang inyong kabuhayan sa mga maralita, bawat tao alinsunod sa kung ano ang mayroon siya, gaya ng pagpapakain sa nagugutom, pagpapanamit sa hubad, pagdalaw sa may karamdaman, at pangangasiwa sa kanilang ikagiginhawa, kapwa espirituwal at temporal, alinsunod sa kanilang mga pangangailangan.

Mosiah 4:27

Ang mga tao ay hindi hinihingan na gumawa ng higit sa kaya nilang gawin.

At tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas. At muli, kinakailangang siya ay maging masigasig, nang sa gayon siya ay magkamit ng gantimpala, anupa’t ang lahat ng bagay ay dapat na gawin nang maayos.

Mosiah 4:28

Kung ikaw ay humiram ng isang bagay, ibalik din ito.

At nais kong inyong pakatandaan, na sinuman sa inyo ang manghiram sa kanyang kapitbahay ay nararapat na isauli ang bagay na kanyang hiniram, alinsunod sa kanyang pinakipagkasunduan, o kung hindi, kayo ay magkakasala; at marahil, inyong papapangyarihin ang inyong kapitbahay na magkasala rin.

Mosiah 4:29

Maraming mga pamamaraan upang makagawa ng mga kasalanan.

At sa huli, hindi ko masasabi sa inyo ang lahat ng bagay kung saan kayo ay maaaring magkasala; sapagkat maraming magkakaibang daan at mga paraan, na lubhang napakarami kung kaya’t hindi ko na yaon magagawang bilangin.

Mosiah 4:30

Bantayan ang inyong mga sarili, sundin ang mga kautusan, at umasa sa pagparito ng Panginoon.

Ngunit ito lamang ang masasabi ko sa inyo, na kung hindi ninyo babantayan ang inyong sarili, at ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa, at susunod sa mga kautusan ng Diyos, at magpapatuloy sa pananampalataya sa inyong mga narinig hinggil sa pagparito ng ating Panginoon, maging hanggang sa katapusan ng inyong mga buhay, kayo ay tiyak na masasawi. At ngayon, O tao, pakatandaan at nang huwag masawi.