Ang Talumpati ni Haring Benjamin

Paglilingkod sa Diyos

Mosiah 2:15

Si Benjamin ay nagsalita hindi upang magmalaki, subalit gawing malinis ang kanyang budhi.

Gayunman, mga kapatid ko, hindi ko ginawa ang mga bagay na ito upang ako ay makapagmalaki, ni hindi ko sinasabi ang mga bagay na ito upang ako ay magparatang sa inyo; kundi sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang inyong malaman na ako ay makasasagot nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos sa araw na ito.

Mosiah 2:16

Sa lahat ng mga sandaling ito, si Benjamin ay nasa paglilingkod lamang sa Diyos.

Masdan, sinasabi ko sa inyo na dahil sa sinabi ko sa inyo na ginugol ko ang aking panahon sa paglilingkod sa inyo, hindi ko ninanais na magmalaki, sapagkat ako ay nasa paglilingkod lamang ng Diyos.

Mosiah 2:17

Ang paglilingkod sa mga tao ay katulad din ng paglilingkod sa Diyos.

At masdan, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang inyong matamo ang karunungan; upang inyong malaman na:

kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao,
kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.

Mosiah 2:18

Kung paglilingkuran ng hari ang kanyang mga tao, hindi ba't nararapat na ang mga tao ay maglingkod para sa isa't-isa?

Masdan, tinawag ninyo akong inyong hari; at kung ako na tinatawag ninyong hari ay nagpapagal upang paglingkuran kayo, hindi ba’t nararapat na kayo ay magpagal upang paglingkuran ang isa’t isa?

Mosiah 2:19

Kung ang tagalupang hari ay karapat-dapat sa anumang pasasalamat, sa ngayon gaano karami ang mga pasasalamat na ang ating Makalangit na Hari ay natatanggap?

At masdan din, kung ako, na tinatawag ninyong inyong hari, na ginugol ang kanyang panahon sa paglilingkod sa inyo, at nasa paglilingkod din naman ng Diyos, ay karapat-dapat sa anumang pasasalamat mula sa inyo, o hindi ba’t nararapat na pasalamatan ninyo ang inyong makalangit na Hari!

Mosiah 2:20

Salamat sa Panginoon sa paglikha at pagpapanatili sa inyo.

Sinasabi ko sa inyo, mga kapatid ko, na kung inyong ibibigay ang lahat ng pasasalamat at papuri na makakayang taglayin ng inyong buong kaluluwa, sa Diyos na siyang lumikha sa inyo, at nag-aaruga at nangangalaga sa inyo, at pinapangyari na kayo ay magsaya, at nagkaloob na kayo ay mabuhay sa kapayapaan sa isa’t isa—

Mosiah 2:21

Gayunpaman, ang dami ng mga pasasalamat, papuri, o mabubuting gawa ay hindi sapat upang ituwid ang sarili sa harapan ng Diyos.

Sinasabi ko sa inyo na kung paglilingkuran ninyo siya na lumikha sa inyo mula sa simula, at nangangalaga sa inyo sa araw-araw, sa pamamagitan ng pagpapahiram sa inyo ng hininga, upang kayo ay mabuhay at makakilos at makagawa alinsunod sa inyong sariling kagustuhan, at maging sa pagtataguyod sa inyo sa bawat sandali—sinasabi ko, kung siya ay paglilingkuran ninyo ng inyong buong kaluluwa, gayunman, kayo ay magiging hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod.

Mosiah 2:22

Hinihingi ng Panginoon ang pagsunod sa kanyang mga kautusan.

At masdan, ang hinihingi lamang niya sa inyo ay sundin ang kanyang mga kautusan, at pinangakuan niya kayo na kung inyong susundin ang kanyang mga kautusan, kayo ay uunlad sa lupain; at kailanman siya ay hindi nag-iiba mula roon sa kung alin ay kanyang sinabi; samakatwid, kung inyong susundin ang kanyang mga kautusan, kayo ay kanyang pagpapalain at pauunlarin.

Mosiah 2:23

Ang mga tao ay nagkakautang sa Diyos sa kanilang buhay.

At ngayon, sa unang dako, kayo ay kanyang nilikha, at ipinagkaloob sa inyo ang inyong mga buhay, kaya’t kayo ay may pagkakautang sa kanya.

Mosiah 2:24

Ang pagsunod sa mga kautusan ay nagdudulot ng madaliang pagpapala, na siyang nagdaragdag ng pagkakautang ng tao sa Diyos.

At ikalawa, hinihingi niya na inyong gawin ang kanyang ipinag-uutos sa inyo; sapagkat kung ito ay gagawin ninyo, kayo ay kaagad niyang pagpapalain; at samakatwid, kayo ay kanya nang nabayaran. At kayo ay may pagkakautang pa rin sa kanya, at mayroon, at magkakagayon magpakailanman at walang katapusan; kaya nga, ano ang inyong maipagmamalaki?

Mosiah 2:25

Ang mga tao ay wala, katulad ng mga alabok ng lupa.

At ngayon itinatanong ko, kayo ba ay may masasabing anuman sa inyong sarili? Sinasagot ko kayo, Wala. Hindi ninyo masasabi na kayo ay nakahihigit sa alabok ng lupa; gayunman kayo ay nilikha mula sa alabok ng lupa; ngunit masdan, ito ay pag-aari niya na lumikha sa inyo.

Mosiah 2:26

Maging ang mga hari ay sa alabok.

At ako, maging ako, na tinatawag ninyong hari, ay hindi nakahihigit kaysa sa inyong sarili; sapagkat ako rin ay mula sa alabok. At inyong namamasdan na ako ay matanda na, at malapit nang isuko ang may kamatayang katawang ito sa kanyang inang lupa.