Samakatwid, kagaya ng sinabi ko sa inyo na ako ay naglingkod sa inyo, lumalakad nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos, gayunman ako, sa panahong ito ay pinapangyaring sama-samang tipunin ninyo ang inyong sarili, upang ako ay matagpuang walang sala, at nang ang inyong dugo ay hindi bumatik sa akin, kapag ako ay tatayo upang hatulan ng Diyos sa mga bagay na kanyang iniutos sa akin hinggil sa inyo.
Sinasabi ko sa inyo na pinapangyari ko na kayo ay sama-samang magtipon ng inyong sarili upang maalis ko sa aking mga kasuotan ang inyong dugo, sa panahong ito na ako ay malapit nang bumaba sa aking libingan, upang ako ay bumaba nang mapayapa, at ang aking walang kamatayang espiritu ay makasama sa mga koro sa kaitaasan sa pag-awit ng mga papuri sa isang makatarungang Diyos.
At bukod dito, sinasabi ko sa inyo na pinapangyari ko na kayo ay sama-samang magtipon ng inyong sarili, upang aking maipahayag sa inyo na hindi na ako ang inyong magiging guro, o inyong hari;
Sapagkat maging sa oras na ito, ang aking buong katawan ay nanginginig nang labis habang nagtatangkang magsalita sa inyo; subalit ang Panginoong Diyos ang nagtataguyod sa akin, at pinahintulutan niya akong makapagsalita sa inyo, at inutusan akong ipahayag sa inyo sa araw na ito, na ang aking anak na si Mosias ay isang hari at isang tagapamahala ninyo.