At ang mga Lamanita ay hindi na muling sumalakay pa sa mga Nephita hanggang sa ikatatlong daan at pitumpu at limang taon. At sa taong ito, sila ay muling sumalakay sa mga Nephita nang buo nilang lakas, at hindi sila mabilang dahil sa kalakihan ng kanilang bilang. At magmula sa panahong ito, ang mga Nephita ay hindi na nagkaroon pa ng kapangyarihan laban sa mga Lamanita, kundi nagsimulang mapalis nila maging katulad ng hamog sa harapan ng araw.
At ito ay nangyari na, na ang mga Lamanita ay sumalakay sa lunsod ng Kapanglawan; at nagkaroon ng lubhang masidhing labanan sa lupain ng Kapanglawan; kung saan kanilang nagapi ang mga Nephita. At muli silang tumakas mula sa kanilang harapan, at sila ay nakarating sa lunsod ng Boaz; at doon sila humarap nang buong katapangan laban sa mga Lamanita, kung kaya’t hindi sila nagapi ng mga Lamanita hanggang sa muli silang sumalakay sa ikalawang pagkakataon.
At nang sila ay sumalakay sa ikalawang pagkakataon, ang mga Nephita ay naitaboy at napatay sa isang lubhang malupit na pagkatay; ang kanilang kababaihan at kanilang mga anak ay muling inialay sa mga diyus-diyusan. At ito ay nangyari na, na ang mga Nephita ay muling tumakas mula sa kanilang harapan, kasama ang lahat ng nanahanan, kapwa sa mga bayan at nayon.
At ngayon ako, si Mormon, nakikitang malapit nang maibagsak ng mga Lamanita ang lupain, kaya nga, ako ay nagtungo sa burol ng Shim, at kinuha ang lahat ng talaang ikinubli ni Amaron ayon sa Panginoon.