At sila ay nagsimulang mangatwiran at magtalu-talo sa kanilang sarili, sinasabing:
Na hindi makatwiran na isang gayong nilikha gaya ni Cristo ay pumarito; kung magkakagayon, at kung siya ang Anak ng Diyos, ang Ama ng langit at ng lupa, gaya ng sinabi, bakit hindi niya ipakikita ang kanyang sarili sa atin gayon din sa kanila na naroroon sa Jerusalem? Oo, bakit hindi niya ipakikita ang sarili sa lupaing ito ganoon din sa lupain ng Jerusalem?
Ngunit masdan, nalalaman natin na ito ay isang masamang kaugalian, na ipinasa-pasa sa atin ng ating mga ama, upang tayo ay papaniwalain sa ilang dakila at kagila-gilalas na bagay na mangyayari, subalit hindi sa atin, kundi sa isang lupaing higit na malayo, isang lupaing hindi natin alam; kaya nga tayo ay mapananatili nila sa kamangmangan, sapagkat hindi natin masasaksihan ng ating sariling mga mata na ang mga yaon ay totoo.
At sila, sa pamamagitan ng katusuhan at mahiwagang pamamaraan ng yaong masama, ay gumagawa ng ilang dakilang hiwaga na hindi natin kayang maunawaan, na magpapanatili sa atin sa ibaba upang maging mga alipin ng kanilang mga salita, at mga alipin din nila, sapagkat tayo ay umaasa sa kanila na turuan tayo ng salita; at sa gayon mapananatili nila tayo sa kamangmangan kung ipaiilalim natin ang ating sarili sa kanila, sa lahat ng araw ng ating mga buhay.