Ang Panahon ng Gadianton

Ang Paglago ng Gadianton

Helaman 11:24–25

Sa sumunod na taon, ang mga tumiwalag na Nephita, ay umanib sa mga Lamanita, nagsimula ng mga gerilyang pagsalakay sa mga Nephita.

At ito ay nangyari na, na sa ikawalumpung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, may ilang bilang ng mga tumiwalag mula sa mga tao ni Nephi, na ilang taon nang nakiisa sa mga Lamanita, at dinala sa kanilang sarili ang pangalang Lamanita, at ilan ding bilang ng mga tunay na inapo ng mga Lamanita, na pinukaw nila na magalit, o ng mga yaong tumiwalag, anupa’t sila ay nagpasimula ng digmaan sa kanilang mga kapatid.

At sila ay nakagawa ng pagpaslang at nandambong; at pagkatapos sila ay umuurong pabalik sa mga bundok, at sa ilang at mga lihim na lugar, ikinukubli ang kanilang sarili upang hindi sila matagpuan, nakatatanggap araw-araw ng karagdagan sa kanilang bilang, habang may mga tumitiwalag na nakikiisa sa kanila.

Helaman 11:26–27

Ang mga gerilyang ito ay tinaglay ang pagkakakilanlan sa mga tulisang Gadianton, at nagpakita ng malaking suliranin para sa mga Nephita.

At sa gayon di naglaon, maging sa loob ng hindi maraming taon, sila ay naging napakalaking pangkat ng tulisan; at sinaliksik nila ang lahat ng lihim na plano ni Gadianton; at sa gayon sila naging mga tulisan ni Gadianton. Ngayon masdan, ang mga tulisang ito ay gumawa ng napakalaking kapinsalaan, oo, maging malaking pagkawasak sa mga tao ni Nephi, at gayon din sa mga tao ng mga Lamanita.

Helaman 11:28–32

Ang mga sundalong Nephita ay ipinadala sa kagubatan ng maraming beses at naging matagumpay na maitaboy ang mga puwersa ng Gadianton.

At ito ay nangyari na, na kinailangang wakasan ang gawaing ito ng pagwasak; kaya nga, sila ay nagpadala ng isang hukbo ng malalakas na tauhan sa ilang at sa mga bundok, upang hanapin ang pangkat na ito ng mga tulisan, at lipulin sila. Subalit masdan, ito ay nangyari na, na sa taon ding yaon ay naitaboy silang pabalik maging sa kanilang sariling mga lupain. At sa gayon nagtapos ang ikawalumpung taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.

At ito ay nangyari na, na sa pagsisimula ng ikawalumpu at isang taon ay muli silang sumalakay laban sa pangkat ng mga tulisang ito, at nalipol ang marami; at dinalaw din sila ng labis na pagkalipol. At muli silang napilitang umalis sa ilang at umalis sa mga bundok patungo sa sarili nilang mga lupain, dahil sa labis na kalakihan ng bilang ng mga yaong tulisan na namumugad sa mga bundok at ilang. At ito ay nangyari na, na sa gayon nagtapos ang taong ito.

Helaman 11:32–35

Kahit gayon, ang mga puwersa ng Gadianton ay nagpatuloy sa paglago at sila ay nagpatuloy na magpanimula ng mga labanan laban sa mga Nephita.

At ang mga tulisan ay patuloy pa ring dumarami at nagiging makapangyarihan, kung kaya’t kinalaban nila ang buong hukbo ng mga Nephita at ng mga Lamanita; at pinapangyari nilang manaig ang masidhing takot sa mga tao sa lahat ng dako ng lupain.

Oo, sapagkat sinalanta nila ang maraming dako ng lupain, at gumawa ng malalaking pagwasak sa mga ito; oo, pumapatay nang marami, at dinadalang bihag ang iba sa ilang, oo, at lalung-lalo na ang kanilang kababaihan at kanilang mga anak. Ngayon, ang malaking kasamaang ito, na sumapit sa mga tao dahil sa kanilang kasamaan, ang muling pumukaw sa kanila sa pag-alaala sa Panginoon nilang Diyos. At sa gayon nagtapos ang ikawalumpu at isang taon ng panunungkulan ng mga hukom.

Helaman 11:36–38

Ang moralidad ng mga Nephita muli ay nanghina, at sila ay hindi nagpapakita ng palatandaan ng pagsisisi.

At sa ikawalumpu at dalawang taon ay muli silang nagsimulang makalimot sa Panginoon nilang Diyos. At sa ikawalumpu at tatlong taon sila ay nagsimulang maging malakas sa kasamaan. At sa ikawalumpu at apat na taon hindi sila nagbago ng kanilang mga pag-uugali. At ito ay nangyari na, na sa ikawalumpu at limang taon sila ay lumakas nang lumakas sa kanilang kapalaluan, at sa kanilang kasamaan; at sa gayon sila nahihinog na muli para sa pagkalipol. At sa gayon nagtapos ang ikawalumpu at limang taon.